Mga partylist, dagdag gastusin sa gobyerno

    354
    0
    SHARE
    Ilang araw na lang at hahatulan na
    Ng sambayanan ang papalit kay Gloria
    At ang ibang halal na opisyales pa
    Na matatalo at tapos na’ng term nila

    Pero hanggang ngayon ay marami pa rin
    Itong sa Comelec kasong nakabimbin,
    At di pa ganap na nabigyan ng pansin
    Upang ito ay tuluyang resolbahin.

    Gaya na lang ng disqualification case
    Laban kay 2nd District Representative,
    Mikey Arroyo’t ang ngayo’y ninanais
    Na irepresenta’y hanay ng Partylist;

    Na kung saan sektor ng security guard
    Itong umano ay irepresenta’t sukat,
    Gayong ang ligal na kumatawan dapat
    Ay kabilang sa kung anong marginalized

    Na sektor o kaya ano mang samahan,
    Kung kaya’t si Mikey ay marapat lamang
    Na ma-disqualify sa puntong naturan
    Pagkat siya’y di naging sekyu kahit kailan.

    At maging ang iba pang kumakatawan
    Sa ilang partylist ay dapat din namang
    Tutulan siguro sa kadahilanang
    Sila’y di rin naman talagang kabilang

    Sa hanay ng alin mga Partylist
    Na kinakatawan sa puntong nabanggit;
    Tulad nitong para sa ‘ting magbubukid,
    Na aywan kung sanay lumusong sa putik.

    At ang iba’t-iba pang grupo o sektor
    Na basta na lamang biglang nagkaroon
    Sa ating Kongreso ng representasyon,
    Nang di nagdaan sa isang konsultasyon.

    Tama po ba namang pati magbabalot
    At/o nagtitinda lang ng pulang itlog
    Ay kinakailangang maghalal ng bukod
    Na representative nila sa Lower House?

    Sa totoo lang pati ilang partylist,
    Ay di marapat magka-representative,
    Dahil mayrun na tayo sa bawat district
    Ng mga probinsya sa mga nabanggit.

    At ang Kinatawan ng bawat distrito
    Ng alin mang lalawigan na rin mismo
    Ang haharap bilang sugo sa Kongreso
    Ng nasasakupan nila’t kadistrito.

    Sa puntong yan, ano’t kakailanganin pa
    Ang partylist para lang irepresenta
    Ang alin mang sektor o grupo kumbaga
    Ng magta-tricycle o namamasada?

    At ang kagaya ng ngayo’y hinahangad
    Na irepresenta ngang security guard
    Ni Mikey, na lubhang malayo sa dapat
    Katawanin nito bilang marginalized

    Pagkat anong malay ni Mikey Arroyo
    Sa pinupuntiryang i-represent nito?
    At sa totoo lang…ang Partylist mismo
    Ay dagdag gastos lang sa ating gobyerno!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here