Korte Suprema, nagpapagamit sa pulitika?

    505
    0
    SHARE
    Sapagkat gaya ng nasabi na natin,
    Ay di malayong ang ating pangitain
    Hinggil dito sa halalang paparating
    Ay magkatotoo kung saka-sakaling

    Pumalpak nga itong mga Pecos Machine
    At “failure of election” ang ating kamtin;
    Kahit tinitiyak ng Comelec sa ‘tin
    Na di mangyayari ang pangamba natin.

    Dahilan na rin sa may mga okasyong
    Dala ng kanilang makupad na aksyon,
    Ay bitin pa’t walang pinal na desisyon
    Ang ilang “contested” nilang resolusyon.
     
    Kundi man tuluyan nang nabale-wala
    Ang petisyon nitong umano’y dinaya,
    Liban sa ibang dapat pawalan ng bisa
    Dahil ang pagtakbo nila’y iligal nga.

    Gaya ni GMA na kung ilang ulit
    Nang hinarang din ni Akbayan party-list
    Congresswoman Riza Hontiveros, ngunit
    Tila bale wala lamang sa Comelec!

    Dahil kinatigan din n’yan ang pagtakbo
    Ng “sitting president” kahit diumano
    “Unconstitutional” ang bagay na ito,
    Ayon sa “framers” ng Konstitusyon mismo.

    At pinaboran din ng Korte Suprema
    Na makatakbo siya bilang Kongresista;
    (Aywan lang natin kung pupuede talaga
    O kung anong mayrun kaya nagawa niya!)

    Di ko sinasabing hawak niya sa leeg
    Ang Korte, partikular na ang Comelec;
    Kaya lang sa puntong ang mga “Justices”
    Ay “appointees” nito pati Commissioners,

    Ano ang posibleng isipin ng bayan
    Kundi ang malinaw na katotohanang
    Ang Pangulo kasi ang nagluklok po ‘nyan
    Kaya maaaring siya ay pagbigyan.
     
    Kung kaya’t kahit na “unconstitutional”
    Ay posible nilang palitawing ligal,
    Gaya nitong gayong siya’y bababa na lang
    Ay nag-“appoint” pa ng ilang indibidual;

    Kina Delfin Bangit bilang AFP Chief
    At sa umano ay isang naging “classmate;”
    Liban sa pag-“appoint” ng bagong Chief Justice,
    Gayong hanggang Mayo pa ang “terms of office”

    Ni Chief Justice Puno – kaya di matuwid
    Na mag-“appoint” siya ng makakapalit,
    Pagkat ang susunod na Chief Executive
    Na ang dapat magtalaga ng kapalit!

    O baka bahagi yan ng paghahanda
    Ni Mam sa posibleng kaharaping bigla,
    Gaya nitong ngayo’y napapabalita
    Na kakasuhan siya oras na bumaba.

    Upang marahil ay posibleng ma-“aquit”
    Sa anumang kasong ang bigat ay higit
    Na mas “heinous” kaysa una nang napiit,
    (Pero haya’t gusto na namang umulit!) 

    At sana ang ating mga Courts of Justice
    Ay huag naman ding maging Court of Just Tiis,
    Upang di masabi nitong mapagmasid
    Na pati sila r’yan ay nagpapagamit

    Sa napakarungis nating pulitika
    Na ang sukatan ng naglalabang puwersa
    Ay di kalinisan ng budhi’t konsensya
    Kundi kung magkano ang laman ng bulsa;

    At pakapalan ng mukha nitong iba,
    Sa puntong ang bawal ay batid na nila
    Pero haya’t patuloy na makikita
    Ang kawalan ng sariling disiplina!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here