Marapat lang na ya’y busisihin ng City Council

    384
    0
    SHARE
    Kung sa kabila ng di man lang dumaan
    Sa City Council ang papel na kailangan
    Upang ang Alkalde ay bumili po riyan
    Ng anuman para sa kanilang bayan,

    Pero nagawa niya, at nakapangutang
    Sa bangko o sa sinumang indibidual
    Ng napakalaking halaga hinggil diyan,
    Ay may karapatan ang mga Konsehal

    Na ihabla nila ang kanilang Mayor,
    Ng “plunder” at/o ng di otorisadong
    Pagpasok sa isang “official transaction,”
    Na di aprubado sa isang Resolusyon.

    At naratipika mandin halimbawa
    Ng SP, ang mga papeles – kung kaya
    Nagawa ni Mayor na ya’y mabili nga,
    Ay lalayo pa ba sa ating hinala

    Na ang kagaya riyan nitong City Mayor
    Ng Angeles, at si City Admin Sison,
    Na “subject” ng ating artikulo ngayon
    Ay posibleng kumita ng ilang milyon?

    Sa “unauthorized” na pagbili at sukat
    Ng “5 hectares of land” sa sakop ng siyudad,
    Na ang presyo’y “98 million pesos plus,”
    Pero “12 millions” lang daw pala yan dapat

    Pagkat mababa lang ang “zonal value” niyan
    Bunsod na rin nitong yan ay sakahan lang;
    Liban sa malayo pa sa kabayanan,
    At di risonable sa presyong naturan.

    (Para pagtayuhan nitong Sports Complex,
    Na ang kabuoang inilaang badyet
    Ay milyones din at halos 700,
    Kaya tinutulan ng taga Angeles.)

    Sabihin na nating tama lang ang presyo
    At walang anumang nangyaring milagro;
    Pero sina “Blueboy” at ang “Admin” nito
    Ay marapat pa ring ihabla siguro

    Ng City Council ng “abuse of discretion,”
    Pagkat tunay namang hindi naa-ayon
    Sa tamang proseso ang ginawang aksyon
    Ng Alkalde para lamang makapag-“loan.”

    Na dalawang bagay, humigit-kumulang
    Ang posible nating masisilip po riyan,
    At ya’y di lalayo sa “pagkakitaan”
    Nila sa SOP at pagpapataw niyan.

    Ng dagdag na presyo sa halaga nito,
    Liban sa posibleng magiging porsyento
    Nina Mayor at ang kanilang kagrupo
    Sakali’t lusot ang naturang proyekto.

    Kasi ano nga ba’t ang pagpapagawa
    Sa naturang Complex ay hinarang na nga,
    Pero tinuloy pa kung inaakala
    Nila, na sila ay walang mapapala?

    Kaya marapat lang na ang City Council
    Ay sa Ombudsman na maidulog mandin
    Ang anumang aksyon na maaring gawin
    Upang yan ay ganap nang maresolba rin!

    At ang manaig ay tunay na katuwiran
    Para sa lahat na sa puntong naturan;
    At magising pati sa katotohanan
    Ang alin mang panig na may pagkukulang!


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here