BALER, Aurora (PIA) — Hinikayat ng National Food Authority (NFA) ang mga magsasaka sa Aurora na magbenta pa ng aning palay kasabay ng kanilang implementasyon ng mas mataas na buying price nito.
Layunin ng taas presyo na mabigyan ng patas na kita ang mga magsasaka habang napupunan ang rice buffer stock ng ahensya na inihahanda upang magamit tuwing may kalamidad.
Sinabi ni NFA Grains Infrastructure Directorate (GID) Baler under Nueva Ecija Branch Warehouse Supervisor Catherine Magcalas na ang taas presyo ay ipinatupad ng NFA Council noong ika-18 ng Setyembre.
Binibili ang malinis at tuyo na palay ng P23 kada kilo habang ang basa o sariwa naman ay P19 kada kilo.
Target ng ahensya na makabili ng kabuuang 17,517 sako ng bigas bago matapos ang cropping season ng lalawigan ngayong Disyembre.
Sa kanyang bahagi, sinabi naman ni NFA GID-Baler Acting Classifier Jessaray Go na maaaring magbenta ng palay sa buying station ang mga indibidwal na magsasaka at kooperatiba.
Ito ay matatagpuan sa Baler para sa mga sentrong bayan ng lalawigan at Casiguran para sa mga magsasaka na nasa mga hilagang bayan.
Samantala, nakikipagugnayan din ang NFA sa mga mambabatas at lokal na pamahalaan upang mahikayat silang makiisa sa Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units.
Ito ay programa kung saan ang lokal na pamahalaan ay magbibigay ng subsidiya sa kanilang mga nasasakupang magsasaka na magtataas pa sa kasalukuyang buying price ng NFA. (CLJD/MAT-PIA 3)