Anong pagkakaiba ng isyu kina Erap at Gloria?

    546
    0
    SHARE
    Kung ang dating Pangulong Joseph Estrada
    Ay di na umano puedeng humabol pa
    Ano sa opinyon n’yo ang pagka-iba
    Ng isyu kumpara kay Pangulong Gloria?

    Na ngayon ay parehong kumandidato;
    Si Estrada, para sa pagka-Pangulo;
    Itong isa para Congresswoman mismo
    Sa “2nd District” ng lalawigan nito.

    At sila ika nga itong “talk of the town”
    Sa kasalukuyan, sa mga diskusyon
    Ng nakararami nating ‘marurunong’
    Na di magkatugma ang interpretasyon.

    Hinggil sa kung sino nga r’yan sa dalawa
    Ang di na pupuedeng humabol talaga;
    Ang iba, gaya ni Nene at Maceda,
    Si Estrada itong pinaboran nila.

    Pagkat ang “sitting president’ lang anila
    Ang bawal tumakbo matapos ang “term” niya;
    Kaya malinaw na kualipikado pa
    Itong si Erap sa pagka-tukoy nila.

    At ang tila gusto nilang palitawin
    Si Estrada’y di nakatapos ng anim
    Na taon, kung kaya di maituturing
    Na “re-election” ang punto ng usapin.

    (At kung saan para sa umupo lamang
    Ng higit sa apat na taon ang siyang
    Hindi na pupuede o pinapayagan,
    Ayon sa Saligang Batas sa halalan.)

    Na siyang probisyon ding pinagtatalunan
    Kung ang Presidente ay pupuede pa bang
    Humabol matapos ang “terms of office” n’yan,
    Base sa Saligang Batas na naturan.

    Na kagaya nitong sa parteng Section 4,
    Ng Article 7 sa ‘ting Konstitusyon,
    Kung saan klaro ang pagkasulat nitong:
    “that bars president for (any) re-election.

    Kundi ang Pangulo, na bawal humabol
    O ika nga’y “to seek (any) re-election,”
    (Bagama’t di tukoy kung anong posisyon,
    At posibleng labag sa “equal protection.”)

    Pagkat sa salitang “any” kung suriin
    Ay ano pa nga ba ang gustong tukuyin
    Kundi sa anumang puestong nanaising
    Hawakan ng isang naging Pangulo rin?

    (Sa ganang amin ay kahit pupuede pa
    Por delikadesa, huag na lang po sana,
    Sapagkat di lang kapintasan kay Gloria
    Kundi pati na rin sa buong Pampanga.)
     
    Di pa ba sapat kay Gloria Macapagal
    Ang naging Pangulo ng napakatagal?
    (O kumbaga sa isang ginto ang kalakal
    Ay gustong pasukin pati pagbabakal?)

    Na katulad nitong pagtakbo niyang bigla
    Sa puestong bagama’t di lubhang mababa,
    Pero sa gaya ng isang Punong Bansa
    Ay di kapurihan kundi upasala.

    At kung saan bunsod ng di pagbibitiw
    Bilang presidente… animo ay sisiw
    Lang ang katunggali ng higanteng lawin
    Sa naglakas-loob na siya’y sagupain!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here