MARIVELES, Bataan — Nagbibigay hindi lamang ng takot kundi kasiyahan ang isang malikhaing “horror house” na nagsisilbing Halloween display sa bungad ng Zigzag Road sa Barangay Alas-Asin pababa sa kabayanan ng Mariveles simula nitong Martes.
Walang bayad ang pagpasok sa lugal na hindi lamang katatakutan at kasiyahan ang madarama kundi nagpapaalaala rin na maging maingat sa pagmamaneho upang malayo sa disgrasya.
Likha ng mag-asawang Arnel at Rhea Gravo ang Halloween display sa tabi ng kanilang bahay sa E-Road. Gumamit sila ng mga motor upang gumalaw-galaw ang ilang display.
Mga naka-display ang nakakatakot na mga nilalang gaya ng mangkukulam na gumagalaw-galaw pa ang ulo, tila sementeryo na bumangon ang patay, manananggal, multong mag-asawa na may karatulang “hindi ka na magkakajowa.”
Naka-display din ang mga nakakatakot na clown na may kasamang mga bata, werewolf, lamayan na may aswang na nagsusugal at nag-iinom na tila ba mga lasing na, kabaong na bumubukas- sarado at nakahandusay na naaksidente sa motorsiklo na ginagamot ng medic at iba pa.
“Hindi lang pananakot ang hatid namin, mayroon din kaming paalaala lalo na nasa tabing kalsada kami na ‘don’t drink and drive’ dahil kung sakaling mag-drive kayo ng lasing, ito ang pwedeng mangyari sa inyo. Mayroon din kaming ‘don’t drink and fly’ bilang katuwaan lang na isang lasing na witch ang bumangga sa poste,” sabi ni Rhea.
Taon-taong ginagawa ang Halloween display ng mag-asawang Bravo. “Isa na ring paraan ito ng paggunita sa mga araw ng mga patay at para na rin sa kasiyahan ng mga bata. Magpapamigay kasi kami ng mga school supplies, pagkain at cash prize na manggagaling sa donation box.”
Sinabi ni Rhea na hanggang Nov. 5 bukas ang “horror house.” “Inaanyayahan ko po kayo na magpunta, libre po ang pagpasok na magbibigay ng takot at kasiyahan sa inyo.”