Pulitiko, di dapat gumawa ng infomercials

    346
    0
    SHARE
    Kailanma’t malapit nang magka-halalan,
    Partikular na kung ito’y pang-nasyonal,
    Ano’t kahit batid nilang yan ay bawal
    Ay patuloy pa ring nilalabag po r’yan

    Ng nakararaming pulitiko ngayon
    Na naturingan pa manding marurunong,
    Pero kadalasan sila mismo itong
    Gumagawa r’yan ng mga maling aksyon.

    Kaya’t tama lang si Senator Santiago
    Sa kanyang tinuran minsan sa Senado,
    Kung saan po nito ‘sinabon’ ng husto
    Ang ilang mayroon sa panahong ito.

    At ang pagkasabi ay talaga namang
    Mapapahiya ka kung ikaw ang siyang
    Diretsahan nitong pinatatamaan
    Sa patutsada niya ng harap-harapan.

    Gaya ng akala n’yo ba’y natutuwa
    Ang manonood sa inyong ginagawa?
    (Kasi nga naman ang daming nasusuya
    Sa ganyan lalo’t kung paulit-ulit nga!)

    Na ibinato niya kina Escudero,
    Legarda, Mar Roxas, Pia Cayetano,
    Secretary Duque, Gordon at de Castro
    Liban sa iba pa na mayrun din nito.

    Na ang dating po ng Infomercial nila
    Ay di nalalayo sa pangangampanya;
    Kaya’t marapat lang na ya’y itigil na
    Ayon sa mataray nating Senadora!

    Ang pagpapakita n’yan ng Infomercial
    Na walang iniwan sa pangkaraniwang
    TV Ads ng iba’t-ibang produkto r’yan,
    Pero ang motibo ay di pang-commercial;

    Kundi tuwiran na nga pong pang-indorso
    Ng mga naturang kandidato mismo
    Sa sarili nila bilang kandidato
    Kaya dapat nga pong ipagbawal ito.

    Tama’t gusto lamang nilang ipaabot
    Sa bayan ang dapat ipabatid lubos,
    Pero kung ya’y labag sa ‘ting Comelec Code,
    Hangga’t maaga ay ating ipakalos!

    At kastiguhin ang mga lumalabag
    Sa Omnibus Code ng Comelec ang lahat
    Na ng pulitikong nagpapatalastas
    Ng infomercial na animo’y TV Ads.

    Na nagiging mitsa ng ‘over spending’
    Ng nakararaming pulitiko natin,
    Kaya’t puno’t dulo ay ‘money laundering’
    Sa kabang bayan ang ating aanihin!

    Bunsod nitong mga posibleng manalo
    Dala ng pagiging maagap at listo;
    Sa pangangampanya sa paraang ito
    Na kahit magastos bawi namang piho?

    Pagkat malaki ang bentahe sa tao
    Ng premature campaign nitong pulitiko
    Na mapera’t saka bulgar sa publiko
    Ang Infomercial n’yan sa TV at Radio?

    (Pero katulad nga ng ating nasabi
    Baka ang kapalit ay di pagsisilbi
    Ng tapat sa bayan kundi ang diskarte
    Kung pa’no bumawi ang atupag pilmi!)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here