Bakit inapura ng lintik, wala pa palang badyet?

    367
    0
    SHARE
    Ano ba naman yang pinag-gagawa mo
    DPWH Direk Tolentino?
    At di mo naisip kung anong epkto
    Ng pagiging lubha mong adelantado?

    Sa pagpatay nitong mga punongkahoy
    Gayong di pa naman pala matutuloy
    Itong ‘road widening’ na pinagyayabang mong
    Gagawin para sa Hiway ng McArthur;

    Bunsod ng ika mo’y wala pa rin yatang
    Sapat na pondo yan kaya’t pumayag kang
    Ipatigil muna ang pag-‘massacre’ diyan
    Sa mga biktima ng iyong kapalpakan?

    Kung saan kayo na rin ang naka-isip
    Na naglabas nitong ‘until further notice,’
    Sa pagpapairal ng ‘napakalupit’
    Na kautusang di matamang inisip!

    Di pa naman pala kayo sigurado
    Na magagawa na sa panahong ito,
    Ano’t minadali mo namang masyado
    Ang pagpapaalis sa akasya rito?

    At iba pang uri ng aming pananim
    Na tunay naman pong nakakatulong din
    Sa ‘ting kalikasan upang manatiling
    Sariwa’t malinis ang ihip ng hangin.

    Alam mo ba Direk kung anong pinsala
    Sa aming probinsya ng iyong ginawa?
    Aba’y para mo nang niyurak ng kusa
    Ang dangal ng bawat Kapampangan yata!

    Partikular na ang taga San Fernando
    Na nakasasakop sa lugar na ito,
    Kung saan kahit na wala kang permiso
    Mula kay Oca ay di ka makuntento;

    Na di masimulan ang iyong proyektong
    Pagpapaluwag sa daanang McArthur,
    Kahit pa ma’t batid mong maraming tutol
    Liban kay Rodriguez sa pagpapaputol;

    Ng mga naturang akasyang minalas
    Na nahatulan ng ‘bitay’ nang di oras,
    Dulot nitong ngayo’y tila masisilat
    Na kautusan mo – Direktor na palpak.

    (Na posibleng bunsod ng pagpapalapad
    Ng papel po nito sa nakatataas,
    Ay namimiligro ngayong mapahamak
    At baka masipa siya ng di oras!

    Pagkat posible rin namang mayrung ligal
    Na sagutin itong nasabing opisyal,
    Sa kung anong bagay na di sinunod n’yan
    Na ‘protocol’ yata po ang katawagan.)

    Pero, gaya nitong ang naging pahayag
    Ng DPWH na walang tiyak
    Na taning ang kanyang sinabi at sukat,
    Ay kinakailangan din tayong magmatyag;

    At maging alerto, pagkat huling-huli
    O ‘caught in the act’ ni Senadora Jamby
    Itong kahit may ‘hold order’ ng nasabi
    Ay may lantaran pang nagpuputol kasi;

    Na nagpapatunay na ‘moro-moro’ lang
    Itong kunwari ay pagpapatigil n’yan?
    (At kung saan baka may komisyon po yan
    Sa contractor kaya todo pasa lamang?)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here