Nasaan na itong mga lingkod bayan, matapos nating maihalal?

    756
    0
    SHARE
    Nitong nakaraang linggo’y inilapit
    Sa atin ng isang amigong matalik,
    Ang isang ginang na sakbibi ng hapis
    Hinggil sa umano’y anak na maysakit;

    Kung saan tayo ang itinuro po n’yan
    Na makatutulong sa naturang ginang
    Upang maipasok muli sa ospital
    Ang anak niyang biktima ng ‘hit & run’

    (Na kinakailangang tanggalin ang metal
    Na inilagay ng doktor sa hita niyan
    Matapos ang ilang taon na kung saan,
    Overdue na ngayon, sa kadahilanang

    Ang ina ng bata’y walang mapagkunan  
    Upang ipatanggal ang naturang metal;
    Kaya nga’t kung saan-ssan na ngayon yan
    Lumalapit para siya’y matulugan;

    Pero kahit pa ma’t ang 4th Best World Mayor
    Ay batid po nating tsampyon sa pagtulong,
    Di ko na tinangka bunsod na rin nitong
    Ika nga po nati’y ‘out of jurisdiction’

    Ang nasabing ginang ay taga Apalit
    At kay Mayor Tetangco dapat lumapit;
    (Kaya lang, galing na pala r’un si Misis
    At natulungan na sa unang paglapit)

    Sa sobrang awa ko sa nasabing ginang
    Ay kay Gob Panlilio ko na tinulungan;
    Kung saan siya ay nag-abot naman
    Mula sa bulsa n’yan ng tulong pinansyal;

    At ipinagbilin sa isang certain Susan
    Na mabigyan din ng financial assistance,
    Mula sa sa kung anong ahensyang hawak n’yan,
    Na dati’y si Luchie yata ang may tangan; 

    Sa dahilang lubhang kailangan talaga
    Para sa bata ang sapat na halaga,
    Upang ito’y agad na mapa-opera
    Ay sa mga Bokal po natin dinala;

    Kaya lang, aywan kung sa anong dahilan,
    Ni isa ay wala po kaming dinatnan,
    Gayong araw po ng Lunes ang naturang
    Petsa na kung saan namin sinadya yan;

    At aywan kung biro o siyang totoo
    Ang pagkasabi ng ilang staff mismo,
    Na diumano’y tila sa labas na ito
    Maglimit mag-session ng dahil (siguro?)

    Na iya’y umiiwas na sa nanghihingi
    Ng kung anong tulong na mai-uuwi?
    Na sila rin naman kumbaga ang sanhi
    Ng pagkatuto sa di magandang gawi!

    Papano nga’y sinanay nila ang tao,
    Sa munting kibot ay binibigyan ito;
    Gaya na lang tuwing campaign period dito
    Na kung saan namimili yan ng boto!

    Pero pagkatapos ng halalan, saan
    Natin mahagilap upang sila’y hingan
    Na kung anong tulong na kinakailangan,
    Liban sa salaping ipinamitag n’yan?

    Tulad na lang nitong ating inilapit
    Na talaga naman din pong nasa bingit
    Ng kamatayan ang anak na may-sakit
    Kung di maagapan, at ya’y maibalik;

    Sa lalong madaling panahon upang yan
    Ay madala sa De Los Santos ospital,
    Na kung saan siya ay naoperahan
    At s’yang naglagay sa tatangaling metal;

    (May karugtong)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here