Home Headlines DENR hinihikayat ang publiko na sumali sa ‘Mga Kwentong KLIMA-likasan’

DENR hinihikayat ang publiko na sumali sa ‘Mga Kwentong KLIMA-likasan’

471
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Hinihikayat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga indibidwal, grupo, at lokal na pamahalaan sa Gitnang Luzon na sumali sa Mga Kwentong KLIMA-likasan Recognition Awards.

Ito ay isang plataporma upang kilalanin ang makabuluhang kontribusyon ng mga miyembro ng komunidad sa pagtugon sa mga pagsubok na kinakaharap ng kalikasan, climate change, at disaster risk reduction.

Ayon sa DENR, ang patimpalak ay nagbibigay ng parangal sa mga inisyatiba sa promosyon ng net-zero green lifestyle sa pamamagitan ng pagpapababa ng carbon footprint at mabisa at likas-kayang paggamit ng mga pinagkukunang yaman.

Layon ng parangal na ibida ang mga naratibo ng climate champions at ang kanilang mga gawain sa komunidad upang magbahagi ng kamalayan at inspirasyon tungo sa pagkakaisa ng bawat Pilipino sa konserbasyon ng kalikasan at paggawa ng aksyon laban sa climate change.

Ang mga entri na isusumite ay tungkol sa promosyon ng net-zero green lifestyle, community livelihood development, integrated water resources management, coastal o upland protection, critical resilient infrastructure, climate o disaster information services, solid waste management, marine conservation, at coastal governance.

Pasok din ang mga kuwento tungkol sa road sharing at non-motorized mobility, edible landscaping at food gardens, eco-governance, environmental legislation, environment education, arts for the earth, youth leadership, gender equality at women empowerment, at environmental diplomacy.

Maaari ring ang mga entri ay naka pokus sa mga paksang marine enforcement, renewable energy, cultural heritage, lifetime efforts, beach restoration, rain gardens, environmental litigation, water use and recycling, at rainwater harvesting facilities.

Inanunsyo ng DENR na ang mga mangunguna ay tatanggap ng P30,000 para sa Individual category, P40,000 para sa Group category, at P50,000 para sa Local Government Unit (LGU) category.

Magkakamit naman ang mga nasa ikalawang pwesto ng P20,000 para sa Individual category, P30,000 para sa Group category, at P40,000 para sa LGU category.

Samantala, ang mga tatanggap ng Climate Technology for Resilience Special Award ay may P10,000 para sa Individual category, P20,000 para sa Group category, at P30,000 para sa LGU category.

At panghuli, ang magkakamit ng Gender Equality and Women’s Empowerment Special Award ay may P10,000 para sa Individual category, P20,000 para sa Group category, at P30,000 para sa LGU category.

Ang mga interesado at kwalipikado ay inaanyayahang punan ang registration form na makikita sa https://bit.ly/KLIMA-likasan2023.

Kinakailangan ding magsumite ng nomination form, video documentation na hindi lalampas sa tatlong minuto, at Powerpoint presentation na hindi lalampas sa 10 slides.

Ang mga ito ay dapat ipadala sa email address ng Climate Change Service ng kagawaran na ccs@denr.gov.ph hanggang ika-13 ng Oktubre. (CLJD/JLDC-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here