LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) ang mga tamang lunas laban sa sakit na rabies dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng kaso nito sa Gitnang Luzon.
Higit sa kalahati na ang itinaas ng mga naitalang kaso ng nagkasakit at namatay kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Inilahad ni DOH Central Luzon Center for Health Development Medical Officer III Angelica Joy Diaz na batay sa kanilang datos ay umabot na sa 132,416 ang nagkasakit ng rabies sa rehiyon habang may 28 na ang naitalang namatay.
Paliwanag niya, ang rabies ay isang virus na nakukuha sa laway ng aso, pusa, daga at iba pang hayop.
Ito ay karaniwang naipapasa ng hayop sa tao sa pamamagitan ng kagat, kalmot, o pagdila sa sugat.
Maaari rin itong makuha sa pamamagitan ng organ transplant galing sa taong namatay sa rabies, at ang pagkain ng hilaw na karne ng hayop na may rabies.
Ipinaliwanag ni Diaz ang mga dapat gawin ng taong nakagat ng hayop na posibleng may rabies.
Una, kinakailangang isagawa ang local wound care o ang paghuhugas agad ng sugat gamit ang sabon at malinis na dumadaloy na tubig sa loob ng 10 minuto.
Pagkatapos nito, nararapat na magpakonsulta sa pinakamalapit na ospital, health center o animal bite treatment center kung saan ang doktor ang magpapasya kung kailangang bakunahan ang nakagat at kung anong klaseng bakuna ang gagamitin upang maagapan ang impeksyon.
Pahayag ni Diaz, mayroong paunang lunas laban sa rabies na ibinibigay sa mga taong nakagat ng hayop na tinatawag na post-exposure prophylaxis.
Dito ay dapat makakuha ng tatlo hanggang apat na dosis ng bakuna ang pasyente, at mahalaga na makumpleto ang buong sesyon ng bakuna upang masabing protektado.
Para naman sa mga bata, sinabi ni Diaz na dapat ipaalala sa kanila na kailangan sabihin agad ang pangyayari sa kanilang magulang, tagapangalaga, guro o sinuman na nakatatanda sa kanila upang mabigyan ng agarang lunas.
Samantala, binigyang-diin naman ni Diaz na dapat iwasan ang sumangguni o magpunta sa albularyo o tandok, gayundin ang paglalagay ng barya o bawang sa sugat, at pagsipsip kung saan nakagat.
Bilang hakbang naman ng kagawaran, patuloy ang pagbibigay ng DOH ng mga training at health education sa mga lokal na pamahalaan sa Gitnang Luzon upang malabanan ang rabies.
Nagsasagawa rin aniya ang kagawaran ng monitoring o certification sa mga animal bite treatment center upang masiguro na naaayon sa pamantayan ang binibigay nilang serbisyo.
Panawagan naman ni Diaz sa mga may-ari ng hayop na pabakunahan ang kanilang mga alaga kontra rabies, gayundin ay maging responsable at huwag hayaan na gumala ang mga ito sa kalsada.
Isinusulong ngayon ng kagawaran ang adbokasiyang Rabies-Free Central Luzon, kaugnay ng paggunita sa World Rabies Day ngayong Huwebes, ika-28 ng Setyembre. (CLJD/MAECR-PIA 3)