Home Opinion Bulok na sistema ng pamumulitika By Felix M. Garcia

Bulok na sistema ng pamumulitika By Felix M. Garcia

476
0
SHARE
SAYANG, kung alin ang ilang kandidato
na mabuti ang di pinalad manalo
nitong nakaraang 14 ng Mayo,
sanhi ng ‘vote buying’ na ngayon ay uso.

Na aywan kung bakit ang ganyang sistema
ng bulok na uring pamumulitika
ang nakasanayan ng mga mapera
nating gumigitna sa ganyang arena.

Gan’on din naman ang ibang manghahalal
na sa kaunting barya ipinapalit n’yan
ang kanilang boto sa kaunting halagang
ni hindi sapat pangkaing tatlong araw.

At parang hindi na nila alintana
ang kahihinatnan nitong maling gawa,
na tayo rin naman ang kaawa-awa
kapag ‘naningil’ ang mga masisiba.

Sa paraang kapag sila ay naluklok
na r’yan sa puesto na binili n’yan halos
sa laki ng pera na kanyang nagastos,
magsasamantala na ‘yan pagkatapos.

At walang gagawin kundi ang isipin
kung anu-ano ang pinakamabuting
pagkakuwartaan sa tanggapang narating
kaysa ang gampanan ay takdang tungkulin.

Kaya naman hayan di sa nilalahat
natin itong ibang nahalal at sukat
ng dahil sa pera, walang inatupag
kundi kung papano kumita kaagad.

At ang ‘sinunog’ na kuwartang pinuhunan
para ipanalo ang kanilang laban,
higit sa ibayo ang kukupitin n’yan
sa salaping para sa ating barangay.

Pero kung ang isang ni singkong may butas
ay di nagkagasta sa kampanya’t lahat
ang nanalo, sila marahil ang tiyak
na hindi gagawa ng ikapipintas.

Kundi bagkus lahat na ng ikikilos
sa panahon ng kanyang ipaglilingkod
bilang ‘public servant’ pawang alinsunod
tiyak sa batas ang gagawin niyang lubos.

Anong maasahan natin sa iba riyan,
na kaya nga lamang sila ay nahalal
ay sanhi na rin ng bagay na naturan,
kundi ng posibleng pagkabigo lamang?

At maaring higit sa dating tugtugin
ang mangyayari at sila at iyon din
itong sa barangay ang makatitikim
ng sobrang sarap sa hawak na tungkulin.

Idalangin na lang nating huwag lumala
kaysa dati itong pananamantala
ng ilang ‘barangay official,’ na wala
din namang sa puesto mabuting nagawa

Kundi ang maghintay sa buwanang IRA,
kahit wala naman ding gawa ang iba
kundi ang mag-session, kaharap baraha
at iba pang bisyong nakahiligan na!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here