Home Headlines Gamitin ang pinagmulan ng Singkaban para alagaan ang Kalikasan- Gob. Fernando

Gamitin ang pinagmulan ng Singkaban para alagaan ang Kalikasan- Gob. Fernando

531
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Ginawang pagkakataon sa pagdiriwang ng Singkaban Festival 2023 ang pagbibigay diin sa kahalagahan ng tunay at seryosong pangangalaga sa kalikasan ng Bulacan.

Iyan ang sentro ng mensahe ni Gobernador Daniel Fernando sa pormal na pagbubukas ng isang linggong pagdiriwang na may temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana.”

Hindi lamang aniya mga makasaysayang lugar, sining at kalinangan ang dapat na ituring na pamana.

Makatwiran din na ganap na ituring ang kalikasan bilang isang tunay at natural na pamana ng ating mga ninuno, na dapat bigyan ng mataas na pagpapahalaga.

Binigyang diin ng gobernador na kung hindi mapapangalagaan ang kalikasan, mauubos ang mga puno at halaman kung saan kasama ang kawayan na pangunahing materyales sa paggawa ng Singkaban.

Ang Singkaban ay isang arko na gawa mula sa kinayas na kawayan na itinatayo sa bungad ng barangay o lugar na may pagdiriwang gaya ng pista.

Unang naitala sa kasaysayan ng Pilipinas ang paggamit ng Singkaban nang buksan sa simbahan ng Barasoain sa Malolos ang sesyon ng binuong Kongreso ng Malolos.

Ipinangsalubong ito sa mga delegado ng Kongreso na pumarada sa kalsada na ngayo’y tinatawag na Paseo del Congreso, mula sa Katedral ng Malolos hanggang sa simbahan ng Barasoain.

Kaya naman nasasalamin ang tema ng Singkaban para taong ito na nakasentro sa pangangalaga sa kalikasan, sa konsepto ng disenyo ng mga karosa ng mga bayan at lungsod na ipinarada sa pagbubukas ng pagdiriwang.

Nangibabaw ang karosa ng pamahalaang bayan ng Angat na lumahok sa parada ng mga Karosa ng Singkaban Festival sa kauna-unahang pagkakataon.

Tampok ang konsepto ng “Bahay-Kubo” na pinapalibutan ng lahat ng uri ng gulay na masaganag naaani sa Angat.

Ipinakita rin ang bersiyon ng hagdang-hagdang palayan sa naturang bulubunduking bayan.

Sa karosa ng pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte, natunghayan ang replika ng mga natatagong waterfalls o mga talon na anyong tubig na nakakanlong sa bulubundukin ng Sierra Madre.

Ipinababatid ng karosang ito na napapanatili ang kalinisan ng mga anyong tubig sa kabila ng direksiyon ng San Jose Del Monte tungo sa pagiging isang highly-urbanized city.

Mayamang sasahan ang laman ng karosa ng pamahalaang bayan ng Paombong na simbulo ng masiglang industriya ng sasa at suka sa nasabing bayan.

Gayundin ang paglikha ng iba pang produkto na suka ang pangunahing hilaw na materyales.

Masaganang huli ng mga ulang, na isang uri ng hipon, ang itinampok sa karosa ng pamahalaang bayan ng Calumpit.

Pinakamaraming nahuhuling ulang sa Ilog Angat partikular sa bahagi ng Calumpit dahil sa heograpiya nito na malapit sa tubig-alat na Manila Bay.

Nabubuhay sa tubig-tabang ng ilog na ito ang mga ulang ngunit kapag nagbuntis ay lumalangoy sa bahagi na may alat upang doon manganak.

Babalik sa tubig-tabang upang doon magpalaki.

Ang karosa ng pamahalaang bayan ng Calumpit ay nagtatampok sa masaganang huli ng ulang na karaniwang nabubuhay at nahuhuli sa Ilog Angat. Alinsunod ito sa temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana” ng Singkaban Festival 2023. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ang karosa ng pamahalaang lungsod ng Baliwag naman ay nagsusulong na magkaroon ng sariling taniman ng halamang buli na pangunahing materyales sa paggawa ng sambalilong buntal, na pangunahing pamanang industriya rito.

Matingkad din ang karosa ng pamahalaang bayan ng Guiguinto na tampok ang world-class na industriya ng paghahalaman na nakakarating na sa pandaigdigang merkado.

Pagpaparami ng tanim na kawayan ang tema ng karosa ng pamahalaang lungsod ng Meycauayan na siya ring pinagmulan ng pangalan nito.

Diwa naman ng pagtatampok ng Bulaklakan o Flores De Mayo sa karosa ng pamahalaang bayan ng Bulakan ang layuning buhayin ang industriya ng bulak sa Bulacan kung saan isinunod din ang pangalan ng lalawigan.

Sa pagpapakita ng magagarang kasuotan na ginagamit tuwing Flores de Mayo, masasalamin ang malaking pangangailangan sa tela kung saan ang bulak ay pangunahing hilaw na materyales.

Lumahok din ang magkarugtong na mga bayan ng Bocaue at Santa Maria na nagtatampok sa pagbuhay ng kultura ng harana sa panliligaw at muling pagbibigay sigla sa pyrotechnics. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here