SAN MIGUEL, Bulacan (PIA) — Nakatutok ang nagaganap na Exercise “Kasangga” 23-3 sa pagpapaigting ng interoperability ng mga Hukbong Katihan ng Pilipinas at Australia.
Ang aktibidad ay idinadaos sa Camp Simon Tecson sa San Miguel, Bulacan.
Ayon kay First Scout Ranger Regiment (FSRR) Commander Col. Isagani Criste, kinapapalooban ito ng mga kasanayan sa larangan ng Urban Combat, Tactical Combat Casualty Care, Breaching Techniques, Urban Sniping and Counter-Sniping, Combat Tracking at Joint Logistic Planning Subject Matter Expertise.
Magagamit aniya ang mga naturang kasanayan sa isang interoperability operation o magkakaakmang operasyong militar upang ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.
Isa sa halimbawa nito, matututunang gamitin ng mga sundalong Pilipino ang mga armas ng Australia habang matututo rin ang mga sundalong Australyano sa mga taktikang panggubat at pangkaragatan sa mga sundalong Pilipino.
Kalahok dito ang nasa 113 na mga sundalo kung saan 71 ang tropang Pilipino mula sa FSRR ng Philippine Army habang 42 ang mga sundalong Australyano mula sa First Royal Australia Regiment ng Australian Army.
Ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng nasabing mga kasanayan, mas mapapalakas ang kapabilidad ng 18th at 21st Scout Ranger Company, Scout Ranger School at Headquarters Service Company sa mga urban at jungle operations.
Sa loob ng 45 na araw, hindi lamang kakayahang magtanggol at lumaban ang matatamo dahil magiging pagkakataon din aniya ito upang makatulong sa sariling professional development ng bawat isang kalahok na sundalo. (CLJD/SFV-PIA 3)