Home Headlines Generic na gamot ligtas, epektibo tulad ng mga branded – DOH

Generic na gamot ligtas, epektibo tulad ng mga branded – DOH

486
0
SHARE
Ipinaliwanag ni Department of Health Central Luzon Center for Health Development Pharmacist III Leala Buan na ligtas at epektibo ang mga generic tulad ng mga nakasanayang pagbili ng mga branded na gamot, na makatutulong din sa tuloy-tuloy na paggaling. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Hinihikayat ng Department of Health (DOH) Central Luzon Center for Health Development (CLCHD) ang publiko na tangkilikin ang mga generic na gamot.

Sa isinagawang talakayan ng ahensiya ay binigyang linaw ng kagawaran ang pagkakahalintulad ng generic sa branded na gamot na maaaring bilhin ng publiko upang makatulong sa tuloy-tuloy na medikasyon.

Pahayag ni DOH CLCHD Pharmacist III Leala Buan, ang generics ay mas murang alternatibo sa mga branded medicine na nagtataglay ng parehong “active ingredient” kaya makasisiguro na pareho ang epekto sa pasyente.

Presyo lamang aniya ang pinagkaiba ng branded at generic na mga gamot.

Kaniyang paliwanag, mas nagmamahal ang gamot dahil sa packaging ngunit kung susuriin sa kalidad ay pareho ang bisa na matitiyak dahil dumaan at pumasa ang mga ito sa pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA).

Maiging sinusuri ng FDA ang lahat ng mga gamot bago mabigyan ng Certificate of Product Registration kaya ligtas at epektibo ang mga generic na gamot tulad ng mga branded.

Gayunpaman ay kaniyang ipinaliwanag na hindi lahat ng branded na gamot ay mayroong katumbas na generic medicine, tulad ang mga bagong labas na mga gamot na mayroong patent na hawak lamang ng kumpanyang naka-imbento nito na sila lamang ang maaaring makapagbenta.

Ang payo ni Buan sa publiko ay maging wais at piliin ang generics dahil ito ay dekalidad na gamot sa abot-kayang presyo at ligtas gamitin na kasing epektibo ng mga branded na gamot.

Kaniyang idinagdag na bumili lamang ng mga gamot sa mga botika na rehistrado sa FDA upang matiyak ang kalidad ng mga iinuming gamot.

Para makasiguro ay ugaliing hanapin ang FDA License to Operate at iba pang permits at certifications na nakapaskil sa mga botika o kaya naman ay maaaring i-verify online sa pamamagitan ng link na ito http://bit.ly/FDAVerificationPortal.

Ayon pa kay Buan, huwag mahihiyang magtanong ng generic na gamot dahil hindi dapat mahal ang gastusin sa pagpapagaling.

Ngayong buwan ng Setyembre ay ginugunita ang Generics Awareness Month na may temang “Kalusugan ay Palakasin, Generics Ating Tangkilikin!” (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here