Home Headlines Babaeng 3 araw nawawala, natagpuang patay

Babaeng 3 araw nawawala, natagpuang patay

762
0
SHARE

ORION, Bataan — Isang babae na iniulat na nawawala ang natagpuan sa ikatlong araw noong Agosto 21, na patay na sa bulubunduking bahagi ng Barangay Camaya sa Mariveles, Bataan at hinihinalang pinagsamantalahan.

Puno ng hinagpis ang mga magulang at kapatid mula sa Orion, Bataan ni Vaillerie San Pedro, 22, isang factory worker sa Mariveles, sa sinapit nito at nanawagan sa pulisya at kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tulungan silang makamit ang katarungan.

“Kailangan mapanagutan ang ginawa sa kapatid ko na natagpuang walang saplot at may tali ng manok sa leeg na parang sinakal.  President Bongbong Marcos, nananawagan po kami na sana po mabigyan ng katarungan ang kapatid ko,” malungkot na sabi ni Orlando San Pedro, kagawad ng Barangay Wawa, Orion.

Wala pa raw sa bahay nila ang mga labi ng kapatid dahil  kasalukuyang sumasailalim pa sa autopsy matapos matagpuang patay noong Lunes ng hapon.

Lumuluhang nananawagan naman ang ina ng biktima na si Michelle Luciano San Pedro. “Nananawagan po ako Pangulong Bongbong Marcos na bigyang katarungan ang pagkamatay ng anak ko. Ang bata-bata pa po ng anak ko, napakaraming pangarap mabait po ang anak ko. Nananawagan po ako na bigyan ninyo ng hustisya ang anak ko.”

“Ang pagkamatay ng anak ko hindi ko po matanggap hindi ako makatulog hindi rin ako makakain masyado. Nananawagan po ako sa inyo Pangulong Bongbong Marcos nakikiusap po ako, hindi po ako papayag na ganon- ganunin lang nila ang anak ko na parang hayop,” sabi ng ina.

“Ipinanganak ko po iyon lumabas sa akin halos di ko padapuan ng langaw ni paluin ang anak ko. Hindi ko po pinapalo ni tapik ni kurot, ayoko pong masaktan yong anak ko tapos ganon lang ang gagawin nila napakasobrang sakit po parang maano ang ulo ko.  Parang hindi ko po talaga parang masisiraan ako ng bait, mahal na mahal ko po yung kaisa-isa ko po yung babae kaya hindi ako papayag na hindi mabigyan ng hustisya yung anak ko.”

“Hahanapin ko yon, talagang hahanapin ko ang pumatay sa anak ko, sana mahanap namin mabigyan ng katarungan ang anak ko. Talagang hindi ko po matanggap, hindi ako makakain, makatulogmahal na mahal ko po ang anak ko na iyon,” sabi ng ina.

Ayon kay Orlando, batay sa ulat ng pulisya, naiwang mag-isa ang kanyang kapatid na si Vaillerie sa kanilang bahay sa Camaya noong gabi ng Sabado, Agosto 19, matapos magpaalam ang live-in-partner nitong si Ernesto Anico, 21, na makikipag-inuman.

Sa inisyal report ng pulisya, pagbalik ni Anico sa bahay ng bandang alas-11 ng gabi, hindi na umano nadatnan nito ang kinakasama.

Natagpuan ang bangkay ng biktima ng isang binatilyo na nakaamoy diumano ng masangsang na amoy  habang nagpuputol ng damo sa paligid noong Agosto 19.

Patuloy pa ang imbestigation ng Mariveles police.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here