Home Headlines Ilang paaralan hindi pa rin makapag-Brigada Eskwela dahil sa baha

Ilang paaralan hindi pa rin makapag-Brigada Eskwela dahil sa baha

657
0
SHARE
Ang Doña Damiana De Leon Macam Memorial Elementary School na mistulang swimming pool ang covered court dahil sa baha. Kuha ni Rommel Ramos

CALUMPIT, Bulacan — Lubog pa rin sa tubig o di kaya ay puno ng putik ang ilang paaralan dito na bunga ng malawakang pagbaha sa nakaraang malalakas na pag-ulan.

Gaya ng Doña Damiana De Leon Macam Memorial Elementary School sa Barangay San Miguel na lubog pa rin hanggang hita ang 18 silid-aralan mula sa 25 classrooms. Dahil sa kalagayang ito, hindi muna magagamit ng mga estudyante ang karamihan sa mga classroom.

Gayunpaman, ayon sa school principal na si Michelle Sellestre, sinisiguro nila na magbubukas ang klase dito sa August 29 pero gagamit muna sila ng shifting schedule o di kaya ay modular method sa mga mag-aaral. 

Gagamitin nila ang pitong classsrooms na hindi nalubog ng baha o di kaya ay hahanap ng ibang lugar na maaring pagdausan ng klase ng nasa 700 populasyon ng mula Kinder hanggang Grade 6.

Samantala, sa Meysulao Elementary School bagamat wala nang baha ang paligid ay puno naman ng putik ang loob at labas ng mga classrooms. Ang mga upuan, libro at mga papel ay nasa labas ng mga kwarto at nakabilad para matuyo.

Sa Calizon Elementary School ay tubig baha pa rin ang nakapalibot.

Samantala, ayon sa ulat ng Calumpit MDRRMO, 13 na barangay ang hanggang tuhod pa ang lalim habang pitong barangay ang lagpas bewang pa ang lalim.

Gaya ng sa barangay Meysulao, Calizon at Gugo na may mga residente na gumagamit pa rin ng bangka bilang transportasyon.

Ayon pa sa ulat ng MDRRMO, umabot na sa mahigit P3 million ang pinsala ng baha sa palayan, P1.2 million naman sa gulayan, at P6.2 million sa pangisdaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here