Home Headlines 313 MSME sa Bulacan, isinailalim sa DTI-Go Negosyo 3M Program

313 MSME sa Bulacan, isinailalim sa DTI-Go Negosyo 3M Program

780
0
SHARE

LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — May 313 micro, small and medium enterprises (MSME) sa Bulacan ang sumailalim sa 3M On Wheels Program ng Department of Trade and Industry (DTI) at Go Negosyo.

Isa itong public-private partnership na pag-agapay sa MSME na nakasentro sa tinatawag na 3M o mentorship, money at market.

Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon, ito ay pagtitiyak na maipapatupad ang isinusulong ng administrasyon sa 2023-2028 Philippine Development Plan na maging malawakan ang pag-angat ng mga micro business sa pagiging small business.

Maging medium business naman ang mga nasa small at maging ganap na large business ang mga nasa medium business.

Ang naturang 313 MSME mentees ay awtomatikong naka-enrol sa Kapatid-Mentor Me  Program ng DTI sa pakikipagtulungan din ng Go Negosyo.

Isa itong 11 araw na pagsasanay sa pagkuha at tamang paghawak ng puhunan at kita, pag-aangat ng antas ng kalidad ng produkto at pagpapalawak ng nararating na merkado.

Binigyang diin din ni Dizon na malaking bagay ang 3M Mentorship Program upang maabot ang mga pinakamaliliit na negosyo para mapalakas ang produktibidad at unti-unting maihanda sa malalaking oportunidad na hatid ng Regional Comprehensive Economic Partnership.

Isa itong multilateral trade agreement na pormal na pinasok ng Pilipinas upang matulungang madala sa pandaigdigang merkado ang mga matataas na kalidad na likha ng mga MSME.

Samantala, tiniyak ni Bise Gobernador Alex Castro na mananatiling kasama sa mga prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang sektor ng mga MSME.

Patunay aniya rito ang pagpapatuloy ng Tatak Bulakenyo Program na naging pambato ng lalawigan sa One Town, One Product ng DTI.

Kasama na rito ang paglalaan ng P5.5 milyon ngayong 2023 para sa pautang ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here