BUSTOS, Bulacan — Mababa na sa spilling level pero patuloy pa rin sa pagpapakawala ng tubig ang Bustos Dam dahil sa patuloy din ang pagtaas ng tubig dito bunga ng mga pag-ulan dala ng habagat at ng nakaraang Bagyong Egay.
Ayon sa Bustos Dam water control and coordinating unit, nakabukas pa rin ang isang rubber gate at tatlong sluice gate ng nasabing dam na may kabuuang lakas ng tubig na 650 cubic meter per second.
Sa kasalukuyan ang water elevation ng Bustos Dam ay 16.88 meters at ang spilling level nito ay 17.35 meters.
Bagama’t mababa na ito sa spilling level, ayon sa nangangasiwa ng dam ay hindi pa maaring isara ang rubber gate nito dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng water level.
Ito na ang ikatlong araw na nagpapakawala ng tubig ang nasabing dam kayat nagbabala na ang Bulacan PDRRMO sa mga residente malapit sa kailugan sa mga bayan ng Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, at Hagonoy ukol sa mga pagbaha bunga ng pagpapakawala na ito ng tubig.