CALUMPIT, Bulacan — Lubog pa rin sa baha ang ilang lugar sa 18 barangay dito na dulot ng mga nakaraang pag-ulan, high tide, at ilang araw na pagpapakawala ng tubig ng Bustos Dam.
Ayon sa ulat ng Calumpit MDRRMO, lubog pa rin sa baha ang ilang lugar sa mga barangay ng Balite, Bulusan, Calison, Calumpang, Caniogan, Corazon, Frances, Gatbuca, Gugo, Iba O Este, Longos, Meyto, Meysulao, Panducot, San Jose, San Miguel, Sapang Bayan, at Santa Lucia.
Ang lalim ng tubig sa mga nabanggit na barangay ay mula kalahati hanggang apat na talampakan.
Nasa 33 pamilya o 126 na indibidwal ang dinala na sa ibat-ibang evacuation centers.
Ang ibang residente ay gumagamit pa rin ng bangka bilang transportasyon para makalabas at makabalik sa kanilang lugar.
Ang residente naman na si Amelia Militante ay inaalipunga na daw ang paa dahil sa ilang araw na itong nakababad sa baha.
Hindi naman daw niya ito magamot dahil kung papahiran ay tiyak na mabababad din naman ito sa tubig na inaasahan niyang magtatagal pa ng ilang araw ang baha sa kanilang lugar.