Home Headlines 10 barangay, bahagi ng national road binaha

10 barangay, bahagi ng national road binaha

435
0
SHARE
Binabagtas ng mga tao ang daang lubog sa baha sa Hermosa. Kuha ni Ernie Esconde

HERMOSA, Bataan — Binaha ngayong Lunes ng umaga ang 10 barangay dito at ilang bahagi ng national road sa Bataan dahil sa halos magdamag na ulan nitong Linggo hanggang madaling araw ng Lunes na sinabayan pa ng high tide.

Umabot ng mahigit isang talampakan ang lalim ng tubig sa ilang bahagi ng MacArthur Highway sa mga bayan ng Samal, Orani, at Hermosa ngunit nadadaanan pa naman ito ng lahat ng uri ng sasakyan. Mabilis ding humupa ang baha sa kalsada.

Ayon kay Glenly Monje, hepe ng Hermosa municipal disaster risk reduction management office, nakaranas ng baha ang mga barangay Mambog, Sto. Cristo, at Mabuco ng lalim na 0-1 ft; barangay Saba, Mabiga, Almacen, Culis, at Cataning ng 1-2 ft at ang barangay Bacong ng 2-3 ft. 

Sa Barangay Almacen, aniya, ay nasa 2-ft na ang baha kaya walang sasakyang nakakalabas at nakakapasok matangi lamang sa mga bangka. 

“Dahil dire-diretso ang ulan kagabi hanggang kaninang madaling araw,  tumaas ang tubig ngayong umaga pero expected natin 1 to 2 hours pa ay pababa pahupa na din dahil pa-low tide na,  tapos na ang high tide,” sabi ni Monje. 

Wala pa umanong reported na evacuees pero nakahanda ang mga evacuation center at relief goods. 

“Naka-stand-by din ang ating mga responders at naka-coordinate tayo sa PNP, BFP, iba’t ibang agencies natin, yong marshalls, ang Philippine Army ay nandiyan din na handang tumulong. Actually, tatawagan na lang natin sila kung sakaling may operations tapos nandiyan din ang mga volunteer groups natin na pwedeng tumulong,” sabi ni Monje. 

Ayon kay Hubert Trijo, isang residente ng Almacen na naglalakad sa baha, na hanggang tuhod niya ang lalim ng tubig  sa Almacen. Ang baha, aniya, ay nagsimula alas-8 ng umaga nitong Lunes at wala nang nakakapasok na sasakyan. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here