Ngayong araw, 17 Hulyo 2023, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang pagbubukas ng Kadiwa ng Pangulo Caravan at ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga maliliit na negosyo na ginanap sa lalawigan ng Pampanga. Bahagi rin ng naturang programa sa San Fernando, Pampanga ang paglagda ng isang kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) na nagpapalawig sa Kadiwa ng Pangulo sa iba’t-ibang mga lokal na pamahalaan na siyang sinaksihan din ni Pangulong Marcos Jr.
Ang Kadiwa ay naglalayon na magpaabot ng garantisado at abot-kayang halaga ng mga pangunahing bilihin sa mga mamimiling Pilipino habang ang distribution assistance naman ay naglalayon na tulungan ang mga negosyong naapektuhan ng pandemya, kalamidad, at iba pang mga sakuna nang sa gayon ay makapagsimula silang muli ng negosyo.
Ang naturang MOA ay nilagdaan ng iba’t-ibang ahensya ng gobyernong bahagi ng Kadiwa ng Pangulo tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Presidential Communications Office (PCO), at Presidential Management Staff (PMS).
Kasunod ng isinagawang Kadiwa sa Catarman, Samar noong 14 Hulyo 2023, ipinakikita ng sunod-sunod na pagbubukas ng mga Kadiwa caravans ang masugid na layunin ng pamahalaan na masigurong may access ang bawat Pilipino sa mga abot-kayang bilihin.
Bukod pa rito, nagsisilbing instrumento ang nasabing programa upang mas mapalawak pa ang merkado ng mga produktong gawa ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na siya namang pinalalakas at sinusuportahan ng DTI. Sa pamamagitan ng Kadiwa ay nagtatayo ng mga booths upang maibenta ang mga produkto ng mga MSMEs.
Katuwang ni Pangulong Marcos Jr., ipinahayag ni Secretary Pascual ang taos-pusong suporta at pakikiisa ng DTI sa paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang Kadiwa ng Pangulo ay isa ring mahalagang aspeto sa layuning makamit ang seguridad sa pagkain o food security.
Sa naganap na Kadiwa sa Catarman, nagpaabot ang DTI ng tulong sa apat (4) na benepisyaryo ng RISE UP Micro Multi-Purpose Loan Program na nakatanggap ng halagang PHP 300,000 bawat isa. Nagbigay din ng pinansyal na tulong ang ahensya sa isang benepisyaryo ng Wholesale Microfinance Program na nagkakahalagang PHP 3,500,000. Sa kabuuan, ang tulong pinansyal na ibinahagi ng DTI sa mga taga Samar ay nagkakahalaga ng PHP 4,700,000.
Dagdag pa rito, labing anim (16) na benepisyaryo ng Pangkabuyan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) Program sa San Fernando, Pampanga ang nakatanggap ng PHP 11,900 bawat isa. Nabigyang tulong din ang pitong (7) benepisyaryo ng RISE UP Micro Multi-Purpose Loan Program na may kabuuan na PHP 6,351,000. Sa sumatutal, ang DTI ay nagkaloob ng halagang PHP 6,541,400 sa mga maliliit na negosyo sa San Fernando. Ang ceremonial distribution of various government assistance ngayong araw sa Pampanga ay ginanap sa Benigno Aquino Hall ng kapitolyo ng San Fernando.
Ang Kadiwa ng Pangulo ay tuloy-tuloy na magbubukas sa iba pang mga lugar sa bansa sa pagtutulungan ng mga ahensyang bahagi ng kasunduang nilagdaan ngayong araw.
“Bilang bahagi ng aming mandato na siguruhin ang mura at dekalidad na produkto at bilihin para sa mga mamamayang Pilipino, kami ay patuloy na makikipagtulungan sa ibat-ibang mga ahensya ng pamahalaan upang mas mapalakas at mapalawig pa ang Kadiwa ng Pangulo. Nais ko ring magpasalamat kay Pangulong Marcos sapagkat dahil sa Kadiwa ay natutulungan din natin ang mga MSMEs na mapromote ang kani-kanilang mga produkto,” ani Secretary Pascual.