LUNGSOD NG GAPAN (PIA) — Iba’t ibang aktibidad ang isinasagawa sa Nueva Ecija bilang tampok sa pagdiriwang ng National Micro, Small, and Medium Enterprise (MSME) Week.
Isa na rito ang pagdaraos ng Likhang Novo Ecijano Trade Fair na pagbibida ng mga produktong hango sa mga ipinagmamalaking obra at kultura ng lalawigan.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Nueva Ecija OIC-Business Development Division Chief Maria Odessa Manzano, sa pamamagitan ng mga isinasagawang aktibidad ay hangad na maipakita ang husay at talento ng mga Nobo Esihano partikular ng mga MSME sa paglikha ng iba’t ibang produkto.
Nasa 56 food at non-food exhibitors ang kalahok sa nabanggit na trade fair na bukas hanggang sa Linggo, ika-16 ng Hulyo, sa Robinsons Mall sa lungsod ng Gapan.
Maliban dito ay pinangasiwaan din ng DTI ang Bayong Bag Painting Contest na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa Nueva Ecija University of Science and Technology gayundin ang pagtuturo sa pagdisenyo ng modernong barong mula sa tanyag na gumagawa nito sa lalawigan na LJRM Enterprises.
Nagkaroon din ng orientation at onboarding ng mga MSMEs sa Somago Philippines online marketing application.
Kaugnay pa rin ng selebrasyon ng MSME Week ay opisyal na ilulunsad sa Hulyo 16 ang BILI NE survival shop mobile app bilang bahagi ng pagsusulong ng digitalization sa pagnenegosyo na layuning mas mapadali ang pagpapakilala at pagbebenta ng maraming produktong gawa sa lalawigan.
Sa parehong araw ay mayroon ding iginayak na MSME gift pack competition ang DTI.
Patuloy na hinihikayat ni Manzano ang mga kababayan na tangkilikin ang mga produktong likha ng mga kababayang MSME sa pamamagitan ng mga isinasagawang trade fair ng ahensiya katuwang ang iba’t ibang grupo at mga lokal na pamahalaan sa lalawigan. (CLJD/CCN-PIA 3)