Home Headlines Unang 29 MSMEs sa Bulacan target sanayin sa inobasyon ng DTI, BCCI

Unang 29 MSMEs sa Bulacan target sanayin sa inobasyon ng DTI, BCCI

422
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sinimulan nang sanayin ang may 29 na mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan na makatamo ng inobasyon sa ilalim ng Gabay-Negosyo Project.

Isa itong public-private partnership sa pagitan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI).

Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon, nakasentro ito sa mga pagsasanay sa aspeto ng pagnenegosyo at industriya kung saan aagapayan ng matatagumpay na negosyante ang mga MSMEs na nagsisimula pa lamang.

Layunin nito na mas marami pang MSMEs ang mabigyan ng pagkakataon upang higit maitaas ang antas ng kalidad ng produkto, digital marketing, financial management at human resource management.

Para kay DTI OIC-Regional Director Brigida Pili, isa itong halimbawa ng synergy ng pamahalaan at sektor ng pagnenegosyo para isulong sustainable livelihood initiatives.

Pormal na lumagda sa isang kasunduan ang Department of Trade and Industry at ang Bulacan Chamber of Commerce and Industry kaugnay ng pagsasakatuparan ng Gabay-Negosyo Project na naglalayon na maagapayan ang nasa 100 mga micro, small and medium enterprises sa lalawigan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kaya’t magsisilbi rin itong lokal na bersiyon ng Kapatid Mentor Me Program na itinataguyod ng DTI at Go Negosyo.

Paliwanag ni BCCI President Cristina Tuzon, pipiliin ang benepisyaryo base sa rekomendasyon ng local business chambers na itinatag sa mga barangay.

Prayoridad din dito ang mga MSME na benepisyaryo ng iba’t ibang programang pangkabuhayan ng DTI.

May kabuuang pitong sesyon ang dapat na makumpleto ng isang benepisyaryong MSME upang makatamo ng sertipiko at P10,000 halaga ng pandagdag puhunan.

Susubaybayan sa loob ng isang taon ang mga benepisyaryong makakakumpleto ng pagsasanay at makakatamo ng puhunan upang matiyak na matutupad sa pagpapalaki ng negosyong pinili ang napag-aralan.

Ang naturang mga benepisyaryo ay inisyal pa lamang sa 100 target ng BCCI hanggang sa 2024.

Plano ring maging tuluy-tuloy kapag natapos ang naunang itinakdang target upang mas maraming MSME ang mabigyan ng pagkakataon. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here