Carnapper arestado

    337
    0
    SHARE
    SUBIC, Zambales —Dinakip ng mga tauhan ng Zambales Provincial Highway Patrol Team (ZPHPT) at Subic PNP ang isang carnapper habang nasa aktong binabaklas ang nakaw na motorsiklo sa Barangay Pamatawan sa bayang ito.

    Kinilala ni ZPHPT provincial officer, Senior Inspector Isabelo Ganao, ang suspek na si Dan Angelo Mateo, 19, residente ng Purok 3, Barangay Pamatawan.

    Ang suspek ay naaktuhan ng mga pulis na kinakalas ang isang Honda Bravo na may plakang 8185-RG na pagmamay-ari ni Melvin Ramos ng No. 5 Rose St., Barangay Barretto, Olongapo City.

    Ayon kay SPO4 Marlon Agno, nauna nang ipinaalarma sa highway patrol team ang motor matapos itong mawala habang nakaparada sa Ifugao St., sa Barangay Barretto noong March 17, 2015 dakong alas-6 ng umaga.

    Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya natunton ang kinaroroonan ng motorsiklo batay rin sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng barangay at nasakote ang suspek.

    Ang suspek ay detinido sa Subic PNP detention cell at ipinagharap na sa kasong carnapping.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here