Home Headlines Tayo, hindi kami

Tayo, hindi kami

1040
0
SHARE

NAIKWENTO KO sa inyo minsan na may kakilala akong matandang ale na ang pangalan ay “Aling Trining.” Tinanong niya ako kung kilala ko daw ba iyung Santang pinagkuhanan ng parents niya ng pangalan sa kalendaryo—si Santa Trinidad. Natawa ako, siyempre. Sabi ko sa kanya, “sa Diyos ho kayo ipinangalan, Aling Trining.” Kaya hindi lang SANTA KUNDI SANTISIMA ang adjective o pang-uring gamit: hindi lang banal kundi kabanal-banalang pangalan ng Diyos. Kaya siguro umimbento ang mga liturgists natin sa Pilipinas ng Tagalog na salita para sa Trinity (Unity of Three Persons): SANTATLO, para hindi ma-confuse ang mga katulad ni Aling Trining. Na ang Trinidad ay ang tawag natin sa ating Diyos na Pagkakaisa ng Tatlong Persona (Ama, Anak at Espiritu Santo), kaya SANTATLO.

Kapag tayo ay nagtitipon para sumamba, magdiwang, kumain, atbp., binibigkas natin ang Ngalan ng Diyos na Santatlo sa ating pag-aanatanda. Ipinaaalala natin sa sarili na kapag tayo’y nagsasama-sama bilang mga alagad, ginagawa natin ito sa ngalan ng Diyos na lumikha sa atin sa hugis at wangis niya. Bakit? Para matuto tayong makipagkaisa sa ating kapwa tao sa paraang sumasalamin sa pagkakaisa ng Diyos. Ano ang ibig kong sabihin?

Sa Tagalog, kapag pinagsama ang ako at siya o sila, ang resulta ay KAMI. Pero kapag pinagsama ang ako at ikaw/kayo, ang resulta ay TAYO. Ano ang pagkakaiba ng KAMI sa TAYO? Kapag sinabing “Kakain KAMI sa labas,” ibig sabihin, siya at ako lang; hindi ka kasali, hindi kayo kasali. Kapag sinabing mamamasyal TAYO, kasali ka, kasama kayo. 

Alam nyo ba na walang ganitong distinction sa Ingles? Ano ba ang KAMI sa Ingles? Edi WE. Ano ang TAYO sa Ingles? Edi WE pa rin. Pero malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Ang isa ay WE-EXCLUSIVE, and isa ay WE-INCLUSIVE. 

Sa harap ng tao at daigdig, ang pagiging Banal na SANTATLO ng Diyos ay hindi KAMI, kundi TAYO. Nagkakaisa, pero iyung klase ng pagkakaisa na hindi sarado. Hindi exclusive kundi inclusive unity. Kasali tayo. At dahil nilikha tayo ng Diyos sa sariling hugis at wangis niya bilang Diyos na SANTATLO, upang makatulad natin siya, kailangan din nating matutunang makipagkaisa sa paraan niya—hindi nang-iiwan, hindi sarado, hindi makasarili. Lumalabas sa sarili, kaya walang tigil ang galaw, pag-unlad at paglaki.

Kailan at paano isinasalamin ng ating pakikipagkaisa ang pagkakaisa ng Diyos? Kapag natututo tayong makipagkaisa hindi lang sa kadugo o kapamilya, kakulay o kalahi, kapartido, katropa, karelihiyon, atbp. Marami sa mga nagiging sanhi ng hidwaan sa mundo ay rejection. Kapag ipinaramdam natin sa kapwa na hindi sila pwedeng isama o isali dahil hindi sila katanggap-tanggap. Kapag tinawag silang madumi, pangit, o itinuring na parang walang kuwenta silang tao.

Narito ang good news ng Banal na Santatlo: na ang Diyos ay Pag-ibig. Na sa Diyos ng pag-ibig, walang sinuman sa atin ang maaaring ituring na walang kuwenta. Paano bang maituturing na walang kuwenta ang tao gayong nagkatawang-tao ang Anak niya upang ang lahat ng tao’y maging kapamilya ng Diyos? Kaya binago ni HesuKristo ang kaisipan ng tao tungkol sa Diyos: hindi siya dapat ituring bilang Diyos na Tagahatol o Tagaparusa, kundi bilang Diyos na nagliligtas. (Iyon ang ibig sabihin ng pangalang HESUS—ang Diyos ay nagliligtas.) Hindi ang Diyos, kundi tayo mismo, ang magpaparusa sa sarili natin—kapag humiwalay tayo sa kanya. 

Sa mga pagbasang narinig natin, may tatlong katangian ang pakikipagkaisa ng Diyos: una, bumababa upang makilakbay sa tao; pangalawa, laging handang magpatawad at magpuno ng pagkukulang. At pangatlo, laging lumalabas sa sarili upang magbigay-buhay, magbahagi.

Kahit sa sinumang kusang humihiwalay o lumalayo ang loob sa Diyos, hindi nagsasara ng pinto ang Diyos. Tulad ng Ama sa talinghaga ng prodigal son, hindi lang ang mga banal at matuwid ang mahal niya; hindi nalulubos ang kaligayahan niya hangga’t hindi bumabalik sa kanya ang mga pasaway. Tama si Moises sa dasal niya nang bumaba ang Diyos at kumausap nang harapan sa kanya, “Halina o Diyos at makilakbay ka sa amin sa kabila ng aming katigasan ng puso. Patawarin mo ang aming mga kasalanan at ariin mo kami bilang iyong sariling bayan.” Hindi tayo matutututong makipagkaisa sa kapwa-tao kung hindi tayo marunong bumaba, makilakbay, at magpuno sa pagukulang ng isa’t isa.

Kung si Pope Francis, bukambibig niya na ang Diyos na ipinakilala ni HesuKristo sa atin ay ang Diyos na nakikilakbay sa sangkatauhan, si Pope Benedict bukambibig naman niya na “Ang Diyos natin ay Pagibig.” At tayo ay natutulad sa ating Diyos kapag katulad ng Diyos ng Pagibig, tayo ay natututong lumabas sa sarili—lumilikha, tumutubos, nagpapapanatili at laging nagbibigay buhay.

(Homiliya para sa Kapistahan ng Santisima Trinidad, Hunyo 4, 2023, Juan 3:16-18)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here