MAY KASUNOD na dalawa pang verses ang binasa natin sa first reading tungkol sa nangyari sa mga alagad sa Jerusalem noong araw ng Pentekostes, ayon sa kuwento ni San Lukas sa chapter 2 ng Acts of the Apostles. Sayang nga lang at sa ating unang pagbasa pinutol ang kuwento sa verse 11. Sa kasunod nito, sa verse 12, dinescribe ni San Lukas ang reaksyon ng mga dayuhan dahil narinig daw nila ang mga alagad na nagsasalita sa kani-kanilang linggwahe. Sabay daw na namangha sila at nagtataka. At sa kasunod pang linya, sa v. 13, ang sabi ni San Lukas mayroon daw iba na hindi pagkamangha kundi pagtuya ang naging reaksyon sa mga alagad. Sabi daw nila, “Lasing lang ang mga iyan!” o “nasobrahan lang ng alak.” Hindi daw Holy Spirit kundi spirit of the bottle o nasobrahan lang ng inom ng alcohol. Parang nagpapatawa ang manunulat.
Siguro kaya tinawag silang lasing ay dahil ang tao kapag nasobrahan nga naman ng alak o anumang alcoholic drinks ay nagsasabi-sabi. Pero kung babasahin nating maigi ang kuwento, hindi lang ang sinasabi kundi ang naririnig ng mga dayuhan sa sinasabi ng mga alagad na taga-Galilea ang tinutukoy ni San Lukas. Ang talagang tanong nila ay, “Bakit naiintindihan natin ang sinasabi nila gayung sariling linggwahe nila ang ginagamit nila?”
Sa komunikasyon, kasing-halaga ng pagsasalita ang PAKIKINIG. Ang linggwahe ay hindi lang tungkol sa pagbigkas ng mga salita. Tungkol din ito sa pagsusumikap na unawain ang sinasabi ng nagsasalita. Sa totoo lang, maraming beses, kahit parehong Tagalog na ang sinasabi ng nag-uusap, pwedeng hindi pa rin sila magkaintindihan, di ba? Kapag nagsara ng puso at isip ang tao sa kanyang kapwa-tao, kahit bukas ang mga tainga niya mistulang bingi na rin siya, parang walang naririnig kundi sariling opinyon, kuro-kuro o paunang hatol. Nakukulayan na agad ang paningin o nabibigyan ng ibang kahulugan ang sinasabi ng kausap, na malayo sa ibig sabihin. Kaya nga nauuwi sa giyera ang mga hidwaan, o sa batuhan ng insulto sa social media, o sa laglagan, hiwalayan o dimandahan—kahit sa mga magkakapatid sa pananampalataya.
Noong umattend ako for the first time ng Synod of Bishops sa Rome tungkol sa “Word of God in the Life and Mission of the Church,” may nasabi ang dating superior general ng mga SVD na si Fr. Tony Pernia na tumawag-pansin sa mga obispong naroroon. Tinawag niyang “hearing aid of the Church” ang mga misyunero. Natawa ang mga obispo, pero napaisip din sila. Sino ba ang nangangailangan ng hearing aid kundi iyung may diperensiya na sa pandinig?
Pag ang kausap mo ay masyadong lumalapit o nakatitig sa bibig mo habang nagsasalita ka, o kaya halos sumisigaw na siya kapag kausap mo, baka daw may diperensya na sa pandinig. Siguro nangyayari din iyon sa simbahan. Hindi ba ito ang pinakadiin ni Pope Francis sa Synod on Synodality? Na isa sa pinakamahalagang sangkap ng buhay-pananampalataya upang umunlad tayo sa tinatawag niyang “communion” o pagkakaisang-puso at diwa ay ang masinsinang pakikinig? Mahirap magkaunawaan o magkatugunan ng kalooban ang mga tao kung di muna sila matutong makinig sa isa’t isa, kung di muna isantabi ang galit at hinanakit, ang “bias” o paunang hatol, mga pansariling opinyon at kuro-kuro.
Di ba sa pakikinig lang nagsisimulang matutong magsalita ang mga bata? Inuulit lang naman ng sanggol sa umpisa ang naririnig niyang mga salita na hindi pa naiintindihan. Sa una, hindi pa niya alam na ang pinauulit sa kanya na salitang “MAMA” o “PAPA” ay ang mismong kumakausap pala sa kanya. Pag nakita niyang biglang lumiwanag ang mukha at napangiti ang kumakausap sa kanya dahil inulit ng sanggol ang MAMA o PAPA, napag-uugnay niya na ito palang humahalik sa kanya, nagpapasuso o nagpapalit ng kanyang lampin, ito pala ng MAMA niya o PAPA niya.
Sabi ni San Pablo sa Romans 8:26, “Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin.” Hindi naman daw talaga tayo marunong makipag-usap sa Diyos, di natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, “kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin.”
Hindi sapat ang salita para makipag-usap. Ang pinakamahalaga sa lahat ay pagbubukas-ng-kalooban sa kausap. Upang kahit di tayo magkalahi, magkauri, magkaedad, magka-relihiyon, magkakulay, o magkapartido, pwede pa rin tayong magkaunawaan.
Siguro ito ang ibig sabihin ng simbolismo ng dilang apoy. Ang dila sa Latin ay LINGUA o sa Kastila ay LENGUA. Ito ang ugat na salita ng LINGGWAHE. Dilang apoy—kakaibang klaseng linggwahe ang kaloob ng Espiritu Santo. Hindi ba sa anyo rin ng apoy nagpakita at nakipag-usap ang Diyos kay Moises? Hindi ba’t apoy mula sa baga ang kinuha daw ng anghel at idinuro sa dila ni propeta Isaias para magampanan nito ang gawain ng propeta, para maipahayag niya ang salita ng Diyos?
Kahit isinasalin natin ang Bibliya sa lahat ng linggwahe sa buong mundo, alam natin na ang salita ng Diyos ay hindi lang usapin ng bokabularyo at gramatika kundi ng bukas na kalooban, mabuting kalooban, kaloobang handang makinig at tumalima. Kapag hindi magkaintindihan ang mga tao sa salita, pwede pa rin silang magkaintindihan sa maraming paraan—sa body language, sa pakiramdaman, sa malasakit at kalinga, sa paggalang sa panlasa at kultura. Higit na mahalaga kaysa linggwahe ng dila ang linggwahe ng puso at mabuting kalooban. Ang linggwahe ng Diyos ay pag-ibig. Sabi nga ng kantang kilala ng mga Pilipino, “Ikaw at ako, hindi man magkalahi ay dapat matutong magmahal, isipin mong tayong lahat ay magkakapatid.”
Noong nagpakita ang Panginoong muling nabuhay sa kanyang mga alagad, ayon sa narinig natin sa ebanghelyo, sinabayan niya ang kanyang mga verbal communications o sinasabi ng mga non-verbal communication. Pagkasabi daw niya ng “Peace be with you”, binuksan niya ang mga palad niya. Ipinakita ang mga sugat niya. Ipinahaplos ang tagiliran niya. Sapat na iyon para mapawi ang pagdududa ni Tomas. Hindi lang niya sinabing “Sinusugo ko kayo.” Hiningahan daw niya sila. Sapat na iyon para mapaisip sa kanila ang ibig niyang sabihin. Na kung paanong hiningahan ng Diyos ang putik at nilikha niya ang unang tao na si Adan, ganoon din ang ginagawa ng Anak ng Diyos sa mga alagad niya—sa pamamagitan ng regalo niyang Espiritu, upang likhain sa kanyang mga alagad ang isang bagong pagkatao sa hugis at wangis ng Anak ng Diyos, upang makabahagi tayo sa kanyang buhay at maipagpatuloy ang kanyang misyon ng patuloy na paglikha at pagpapanibago sa sangkatauhan at sa sangnilikha.
(Homiliya para sa Kapistahan ng Pentekostes, 28 Mayo 2023, Jn 20,19-23)