Home Headlines Iba’t ibang scholarship program ng TESDA, ipinaliwanag

Iba’t ibang scholarship program ng TESDA, ipinaliwanag

603
0
SHARE
Itinampok sa programang Leaders In Focus ng Philippine Information Agency ang mga inihahandog na scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority sa Nueva Ecija. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN — Ipinaliwanag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Nueva Ecija ang iba’t ibang programa para sa mga nais mag-aral ng kursong bokasyonal.

Maraming iniaalok na scholarship program ang ahensya na maaaring mapakinabangan ng mga mamamayan upang magkaroon ng mga kasanayang magagamit sa paghahanap ng trabaho o pagtatayo ng negosyo.

Ayon kay TESDA Provincial Director Elpidio Mamaril Jr., isa na rito aniya ang Training for Work Scholarship Program (TWSP) na nagbibigay ng agarang interbensiyong makapagsanay ng mga dalubhasang sertipikadong manggagawa upang mapunan ang mga bakanteng trabaho sa mga mahahalagang industriya ng bansa na makatutulong din sa pag-unlad ng ekonomiya.

Maliban sa libreng skills training na matatanggap ng iskolar sa ilalim ng TWSP ay sagot na din ng TESDA ang mga gugulin para sa pagkuha ng National Competency Assessment gayundin hanggang sa sila ay makapasa at kailangan nang kumuha ng National Certificate o Certificate of Competency.

Kasama rin sa mga benepisyo sa ilalim ng TWSP ang 60 pisong daily allowance na matatanggap ng bawat iskolar sa mga araw ng pagsasanay hanggang sa makapagtapos.

Binanggit din ni Mamaril na kasama sa mga isinusulong na scholarship program ng ahensiya ang Special Training for Employment Program na layuning tumugon sa mga kailangang kasanayan ng komunidad upang makapagbigay ng hanapbuhay sa pamamagitan ng pamumuhunan o pagkakaroon ng sariling negosyo.

Kaniyang tinalakay din ang Tulong Trabaho Scholarship Program na layuning maitugma ang kasanayan ng mga manggagawa sa napiling trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng Selected Training Programs.

Tumutulong din ang TESDA sa pagbibigay ng mga kasanayan sa mga magsasaka sa ilalim ng Rice Extension Services Program (RESP) na nakapaloob sa Rice Competitiveness Enhancement Fund tulad ng pagtuturo ng mga pamamaraan sa produksyon ng palay, modernong pamamaraan ng pagsasaka, produksyon ng binhi, mekanisasyon sa sakahan, at paglipat ng teknolohiya at kaalaman.

Ang mga magsasakang interesadong lumahok sa RESP ay kinakailangang rehistrado sa Registry System for Basic Sector in Agriculture.

Ipinahayag din ni Mamaril na nagbibigay din ng tulong pinansiyal ang TESDA sa pamamagitan ng Private Education Student Financial Assistance para sa mga nangangailangan at karapat-dapat na mga estudyanteng naghahangad magkaroon ng karagdagang abilidad at husay sa paggawa.

Kwalipikadong mag-aplay sa tulong pinansiyal ang mga K-12 graduates na hindi bababa sa tatlong daang libong piso ang kita ng buong pamilya sa loob ng isang taon.

Para naman sa mga nasa kolehiyo ay mayroong Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) na itinatag sa pamamagitan ng Batas Republika Bilang 10931 na nagbibigay ng libreng tuition sa mga State Universities and Colleges, Local Universities and Colleges, at state-run Technical Vocational Institutions.

Kaugnay nito ay maaaring makipag-ugnayan ang mga estudyanteng nais kumuha ng kursong bokasyonal sa mga paaralan o pamantasang nagpapatupad ng UAQTEA o kaya naman ay tumawag sa hotline ng TESDA Nueva Ecija sa numerong 09178072932 o magpadala ng mensahe sa kanilang email address na region3@tesda.gov.ph o  personal na magtungo sa kanilang opisina na matatagpuan sa Purok 4, San Josef Sur sa lungsod ng Cabanatuan.

Sinabi ni Mamaril na laging nakahandang tumulong ang TESDA sa mga nasasakupan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga scholarship program upang magkaroon ng mga kasanayang makatutulong sa pagkakaroon ng trabaho at negosyo.

Simula Enero ng taong ito ay mayroon nang 931 iskolar ang naka-enrol sa mga scholarship program ng tanggapan samantalang nasa 92 naman ang nakatapos na sa mga kursong pinag-aralan.

Nagsilbing panauhin si Mamaril sa kamakailang episode ng programang Leaders In Focus ng Philippine Information Agency na hangad maipalaganap ang maraming inisyatibo at programang isinusulong ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng mga mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here