SUBIC, Zambales – Pormal nang inilunsad ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) ang pagpaparehistro sa lahat ng mga mangingisda at mga bangka na kanilang ginagamit sa kanilang pamamalakaya sa bayang ito.
Sa unang araw ng pagpaparehistro may 200 mangingisda na nasa coastal barangay ng Subic ang nagparehistro. Ang Subic ay may kabuuang 3,000 bilang ng mangingisda at may 1,000 naman ang mga bangka.
Batay sa talaan ng MFARMC noong nakaraang taon, 500 mangingisda lamang ang nag-parehistro at 400 bangka. Ayon kay Mayor Jay Khonghun, kailangang magkaisa ang mga mangingisda para lalo pang mapalakas ang sector ng mangingisda ng Subic dahil sa napakaraming problema, isa na dito ang mahinang huli at madalas na mabagyo sa laot.
Isa sa nakikita ng alkalde na malimit maging problema ng mangingisda ay yung mga gumagawa ng illegal at aniya nasa hanay din ito ng mangingisda na dapat nang masugpo at mapatawan ng kaukulang parusa.
“Kaya nakikiusap ako sa inyo, itong nakaraang taon napakahina ng registration natin sa mangingisda, lalo na yung mga bangka, kailangang lahat ay magparehistro para lalo nating mapuksa yung mga problema ng hanay ninyo,” dugtong pa ng alkalde.
Kasunod nito nanumpa naman ang mga bagong halal na opisyal ng MFARMC kay Khonghun.