Home Headlines 120 katutubo sa Gen. Tinio, nakatanggap ng libreng konsultasyong medikal

120 katutubo sa Gen. Tinio, nakatanggap ng libreng konsultasyong medikal

452
0
SHARE

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija (PIA) — Libreng nakapagpatingin sa doktor ang nasa 120 katutubong Dumagat at Igorot sa bayan ng General Tinio, Nueva Ecija.

Nakipagtulungan ang Operation Blessing Foundation Philippines sa mga kasundaluhan ng 84th Infantry Battalion sa pagdaraos ng medical, dental at surgical mission sa Sitio Mapedya, Barangay Rio Chico mula sa nabanggit na munisipyo.

Ayon kay Army 7th Infantry Division Commander Major General Andrew Costelo, laging nakasuporta ang mga kasundaluhan sa mga ganitong uri ng inisyatiba na nakatutulong sa komunidad at pamumuhay ng mga katutubo na naninirahan sa mga liblib at malalayong lugar.

Kaniyang pinasalamatan ang buong pamunuan at miyembro ng OB Foundation Philippines sa paghahatid ng serbisyo lalo na sa mga higit na nangangailangang sektor.

Kabilang sa mga inilapit na tulong sa mga katutubo ang libreng mental at spiritual counseling, general check-up, dermal consultation at dental services.

Naghatid ng tulong ang mga kasundaluhan ng 84th Infantry Battalion at volunteer doctors ng Operation Blessing Foundation Philippines para sa mga katutubong Dumagat at Igorot sa bayan ng General Tinio sa Nueva Ecija. (7th Infantry Division)

Bukod pa rito ang mga ipinamahaging libreng gamot at food packs sa mga nabanggit na benepisyaryo.

Ipinahayag ni OB Foundation Philippines Medical Field Supervisor Serwin Gino Agban na layunin ng mga ginagawang aktibidad na makatulong sa mga tao na malalayo sa ospital.

Ang OB aniya ay isang Christian Organization na hangad ding ibahagi ang pag-ibig ni Hesus sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga katutubo sa buong medical team at mga kasundaluhan na nagpakapagod sa pagtungo sa kanilang lugar upang maghatid ng tulong at serbisyo sa komunidad. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here