Home Headlines Kalutong Bulakenyo Coffee Table Book inilunsad

Kalutong Bulakenyo Coffee Table Book inilunsad

464
0
SHARE

MARILAO, Bulacan (PIA) — Magkatuwang na inilunsad ng Department of Tourism (DOT) at ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office (PHACTO) ang Kalutong Bulakenyo: A Guide to Culinary Heritage of Bulacan.

Ito ay isang coffee table book na naglalaman ng paglalahat ng kasaysayan, detalye ng paghahanda o pagluluto at katangian ng nasa 116 na mga potaheng Kalutong Bulakenyo.

Ayon kay Dr. Eliseo Dela Cruz, pinuno ng PHACTO, natipon ang mga impormasyon, kasaysayan at rekado ng nasabing mga kaluto sa pamamagitan ng isinagawang Food Mapping sa Bulacan na pinondohan ng DOT sa halagang P350 libo habang sinagot ng Richwell Colleges ang gastusin sa pagpapaimprenta.

Pinangunahan ni Department of Tourism Regional Director Richard Daenos (pangatlo mula kanan) ang paglulunsad ng Kalutong Bulakenyo: A Guide to Culinary Heritage of Bulacan coffee table book. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Patunay aniya ang coffee table book na ito sa pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, na ang mga programa para sa preserbasyon at pagpapalaganap ng mga Kalutong Bulakenyo ay hindi pansamantala lamang kundi pangmatagalan.

Binigyang diin naman ni Department of Tourism Regional Director Richard Daenos, na magsisilbing reperensiya ang libro ng mga paaralan, kolehiyo at pamantasan na nagluluto ng gastronomy at culinary.

Sa gastronomy pinag-aaralan ang kaugnayan ng pagkain sa kultura habang ang kulinarya ay pag-aaral naman tungkol sa paraan o sistema ng pagluluto.

Layunin din aniya ng proyektong coffee table na ito na maimulat sa mga katutubong pagkain o Kalutong Pilipino ang mga bagong henerasyon kaysa matuto ng mga pagkaing banyaga.

Hiniling din ni Daenos sa mga pamahalaang lokal na magpasa ng kani-kanilang ordinansa na mag-uubliga sa mga paaralan, kolehiyo at pamantasan na Kalutong Pilipino na gastronomy at culinary ang ituro.

Ito’y bunsod nang pagkakaroon ng mahabang exposure at matagal na kinamulatan ng mga kabataan sa mga banyagang potahe.

Sinasalamin ng mga potaheng Kalutong Bulakenyo ang mayamang pagsasaka at pangisdaan sa isang partikular na bayan o lungsod sa Bulacan.

Kaugnay nito, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na sa mga potahe na Kalutong Bulakenyo, hindi lamang mabubusog ang tiyan kundi maging ang isip at puso dahil hitik sa sangkap ng mayamang sining, kasaysayan at tradisyon ang mga pagkaing ito.

Kaya’t kailangan aniyang patuloy na ipreserba at pagyamanin upang maisalin sa susunod na henerasyon sa pamamagitan ng libro.

Magkakaloob naman ng libreng mga promosyon ang SM City Marilao sa mga potaheng nilalaman ng aklat na ito. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here