Home Headlines Mga Bulakenyo, hinikayat na pasukin ang iba’t ibang oportunidad sa ugnayang PH-US

Mga Bulakenyo, hinikayat na pasukin ang iba’t ibang oportunidad sa ugnayang PH-US

576
0
SHARE

PULILAN, Bulacan (PIA) — Hinikayat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Bulakenyo na pasukin ang iba’t ibang oportunidad na resulta ng muling paglago ng ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa ginanap na Usapang Dangal sa North Polo Club sa bayan ng Pulilan, sinabi ni DFA Undersecretary Ma. Theresa Lazaro na ngayon ang pinakamainam na pagkakataon upang muling balikan ang ugnayan ng dalawang bansa dahil sa paglitaw ng mahabang listahan ng mga oportunidad na nagbukas sa larangan ng connectivity at digitalization, E-commerce, enerhiya, edukasyon, agrikultura, depensa, at turismo.

Ang pagtitipon na ito ng iba’t ibang sektor ng mga Bulakenyo ay bilang maagang pakikiisa sa pagdiriwang ng Ika-77 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.

Inorganisa ito ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng DFA, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry.

Detalyadong tinatalakay ni United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa ginanap na Usapang Dangal sa Pulilan, Bulacan, ang mga oportunidad na uubrang mapakinabangan ng maraming mga Bulakenyo. Kabilang na rito ang Indo-Pacific Economic Framework na nagbabalangkas ng isang makatao at makakalikasang pamamaraan ng ugnayang pang-ekonomiya at kalakalan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Panauhing pandangal si United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson na komprehensibong nagtalakay ng nasabing mga oportunidad na posibleng pakinabangan ng maraming mga Bulakenyo.

Una rito, tiniyak niya na mas dadami pa ang mga flight na patungo at mula sa Amerika kapag nabuksan na ang New Manila International Airport (NMIA) sa bayan ng Bulakan.

Para kay Carlson, magsisilbing “Launching Pad” ng Pilipinas ang itinatayong NMIA tungo sa lalong pag-unlad ng ekonomiya at pagpapalakas pa ng ugnayan sa ibang bansa.

Ipinaliwanag niya na hindi lamang ito tungkol sa pagkakaroon ng isang modernong paliparan, kundi magsisilbing mekanismo rin upang lalong mabuksan ang Pilipinas sa mas malaking oportunidad ng pandaigdigang kalakalan.

Gayundin ang posibilidad na magresulta sa pagtaas ng kita ng karaniwang mamamayan.

Kaya naman habang nasa kasagsagan pa ang pagtatayo ng NMIA ayon pa kay Carlson, kinakailangan din na sabayan ito ng pagpapabuti ng sistema at koneksyon sa internet.

Bilang ambag sa layuning ito, may halagang P1 bilyon o US$18 milyon ang inilaan ng United States Agency for International Development para sa proyektong SPEED o Strengthening Private Enterprises for Digital Economy.

Tutulong ito sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang mas marami ang mai-onboard sa iba’t ibang E-commerce platforms.

Kabilang sa tutugunan nito ang logistical supply chains, pagpapalakas ng E-Payment systems, mga Fintech Innovations at tiyakin ang epektibong consumer awareness and protection.

Binigyang diin pa ng embahador na maihahanda ang mga MSMEs sa Bulacan at maging ng buong bansa sa paglahok sa binuong Indo-Pacific Economic Framework (IPEF).

Isa itong balangkas kung saan nakasentro sa kapakanan ng mga manggagawa at pangangalaga sa kalikasan ang mga dapat na maging patakaran sa pakikipagkalakalan.

Bilang inisyal na resulta nito, nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na pag-ibayuhin ang kooperasyon sa larangan ng renewable energy gaya ng off-shore wind farm, green metals tulad ng nickel ore processing, battery manufacturing, hyperscaler data centers at mga long-haul trucking industry.

Kabilang ang IPEF sa pangunahing pag-uusapan at pagtitibayin sa gaganaping Asia-Pacific Economic Cooperation Economic Leaders’ Week na idaraos sa San Francisco sa Amerika ngayong Nobyembre.

Sa larangan ng alyansa sa depensa ng dalawang bansa, tinatapos na aniya ang US$82 milyong halaga ng mga proyektong imprastraktura sa ilalim ng pinalawak na Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Magagamit ang mga pasilidad na ito sa mga agarang humanitarian response, disaster relief at deterrence o pagpigil sa anumang banta sa seguridad at soberanya. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here