Home Headlines 4 na linya nang Labangan Bridge 1 sa Calumpit, bukas na

4 na linya nang Labangan Bridge 1 sa Calumpit, bukas na

456
0
SHARE

CALUMPIT, Bulacan (PIA) — Bukas na sa trapiko ang ngayo’y apat na linya nang Labangan Bridge 1 sa bayan ng Calumpit sa Bulacan.

Nalatagan na ng aspalto ang ginawang bagong karagdagang mga linya.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, nasa ilalim nito ang kongkretong semento na ibinuhos sa slab na nasa ibabaw ng ikinalsong karagdagan na mga girder.

Naiayos na rin ng isang power distribution utility ang paglilipat ng mga kable ng kuryente at poste.

Dati itong dalawang linya o salubungan na tulay na tumatawid sa ilog Angat at bahagi ng road network ng Manila North Road na kilala bilang MacArthur Highway.

Taong 2002 hanggang 2004 nang una itong isailalim sa rekonstruksyon.

Madadaanan na ang lahat ng apat na linyang kalsada sa pinalapad na Labangan Bridge 1 sa kahabaan ng Manila North Road sa bahagi ng Calumpit, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Pinasimulan ang pagpapalapad nitong tulay noong taong 2020 na pinondohan ng nasa P100 milyon ng DPWH.

Ang pagpapalapad sa Labangan Bridge 1 ay ipinantay sa kasalukuyang lapad ng Manila North Road na ginawang apat na linya mula noong taong 2005 hanggang 2010.

Nagsisilbi itong pangunahing daan ng mga motoristang patungo sa Malolos at Tabang Exit ng North Luzon Expressway na paluwas sa Metro Manila.

Gayundin ang diretsong daan mula sa Malolos patungo sa kabayanan ng Calumpit at Apalit sa hilaga at sa Pulilan sa gawing silangan.

Ang pagpapalapad ng nasabing tulay ay isa ring paghahanda sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga sasakyan na dadaan dito kapag nagsimula na ang operasyon ng kalapit na itinatayong Calumpit Station ng North-South Commuter Railway Phase 2.

Kaugnay nito, natapos na rin ng DPWH ang rehabilitasyon ng northbound lane ng Manila North Road o sa direksyon patungo sa Apalit, Pampanga, sa bahagi ng tapat ng Pamilihang Bayan ng Calumpit hanggang sa crossing ng bayang ito.

Kasalukuyan naman nang itinataas ang southbound lane na patungo sa direksiyon ng Malolos na kukumpleto sa proyekto. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here