CANDELARIA, Zambales – Isang civilian volunteer ang nasawi, samantalang dalawang sundalo ang sugatan ng makasagupa ng mga ito ang may 15 miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa Barangay Pinagrealan sa bayang ito noong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ng Candelaria police, nagsasagawa ng combat patrol operation ang team na pinamunuan ni Corporal Al Manangan ng 24th Infantry battalion ng Philippine Army na naka-base sa Bulawen, Palauig, Zambales ng makasagupa ang may 15 bilang ng NPA at nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng 30 minuto.
Sugatan sa engkwentro sina PFC Antonio Alvarez ng tamaan ng bala sa kaliwang paa at PFC Paul Limbag na tinamaan ng sharpnel, samantalang nasawi naman si Cristopher Bunostro, residente ng Barangay San Lorenzo, Masinloc, Zambales at isang civilian volunteer ng tamaan ito ng bala sa likod.
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M16 at M14 Rifle, anim na M14 magazines, isang rifle grenade, dalawang hand grenades, isang M203 grenade, 65-spent shells ng M16, dalawang piraso ng canvass tent, tatlong bag packs na naglalaman ng ibat-bang kagamitan, mga subversive documents, isang kahon ng gamot at at medical paraphernalia.
Inaalam pa ng militar ang bilang ng mga sugatang rebelde sa naganap na sagupaan matapos na makitaan ng mga bakas ng dugo ang lugar kung saan dumaan papatakas ang mga NPA.