Home Opinion Kinikita at nakikita

Kinikita at nakikita

875
0
SHARE

“LAETARE” ang tawag nating mga Katoliko sa ikaapat na Linggo ng Kuwaresma.  Kung merong Gaudete sa Pangatlong Linggo ng Adbiyento, meron ding Laetare sa Pang-apat na Linggo ng Kuwaresma. Magkaibang bokabularyo, pero pareho din ang ibig sabihin:  MAGALAK!   Kaya ang madilim na kulay ube ay liliwanag at magiging kulay rosas.  Para bang preview ito ng liwanag na hatid Ng Paskong Pagkabuhay. 

Kaya siguro natataon sa araw na ito ng Laetare  ang pagbasa tungkol sa pagpapagaling sa taong bulag mula pa sa pagkapanganak.  Siya ang larawan natin ng mabuting balita na hatid ni HesuKristo sa atin—isang taong nakasilay ng liwanag sa kauna-unahang pagkakataon. 

Ang bulag na pulubi sa kuweno ay hindi katulad ng ibang mga bulag na pinagaling ni Hesus sa mga ebanghelyo.  Karamihan sa kanila ay dating malinaw ang mata ngunit lumabo at nabulag pagtanda dahil sa sakit. Itong taong ito, hindi pa nakaranas na makakita ni minsan sa buhay niya.  Kaya nga siya lumaking nagpapalimos . Dalawang bagay ang bibigyan natin ng pansin sa kuwento: una, merong dalawang yugto ang kuwento ng paggaling ng bulag, at pangalawa, pinalayas siya mula sa pinagpapalimusan niya.  

Simulan natin sa una, nakita muna niya ang paligid niya for the first time. Pagkatapos, nakita niya si Hesus at sinamba niya.  Dalawang bagay ito: ang makakita sa pisikal na mata at makakita sa mata ng pananampalataya.

Kay San Markos, may dalawang kuwento ng pagpapagaling na medyo hawig sa kuwentong narinig natin kay San Juan.  Una, iyung bulag na taga-Bethsaida sa chapter 8 ni San Markos, vv22-26.  Dalawang yugto rin ang pagpapagaling sa kanya: sa una, nakasilay na siya ng liwanag pero malabo pa ang paningin niya.  Kaya inulit ni Hesus ang proseso at pagkatapos, luminaw na.  Sa chapter 10 naman ni San Markos, vv.46-52, naroon ang kuwento ng pulubing si Bartimeo: may dalawang yugto rin.  Sa una, gamit ang pandama kahit walang nakikita, lumapit si Bartimeo kay Hesus.  Sa pangalawa, nang gumaling siya at nakakita, sumunod siya kay Hesus at naging alagad o disipulo.

Dito sa binasa natin, nang hugasan ng bulag na pulubi ang mga mata niya at nakakita siya, wala si Hesus sa tabi niya.  Kaya hindi niya alam kung sino ang nagpagaling sa kanya.  Palagay ko sinadya ito ng Panginoon dahil ayaw niyang pagkaguluhan siya.  Pagkatapos na ng mga interogasyon na gagawin ng mga Pariseo sa pulubi, saka lang niya makakatagpong muli si Hesus.  Silang dalawa na lang. Noon siya tatanungin kung naniniwala ba siya sa Anak ng Tao at ang isasagot niya ay, “Sino po siya para maniwala ako sa kanya?” Noon sasabihin ni Hesus, “Ako siya, ang taong nakikita mo ngayon sa harapan mo.” Noon siya magpahahayag ng kanyang pananampalataya at sasamba kay Hesus. Ito ang tinatawag kong pangalawang yugto ng pagsilay niya ng liwanag, ang liwanag ng pananampalataya o pagkilala kay Hesus bilang Anak ng Diyos at kanyang Tagapagligtas.

Noon sasabihin ni Hesus sa Juan 9:39, “Naparito ako sa mundo … upang ang hindi nakakakita ay makakita, at ang mga nakakakita ay mabulag.” Obvious ba kung sino ang pinatatamaan ni Hesus?  Ang mga Pariseong walang nakikitang mabuti sa pangyayari—isang taong bulag mula sa pagkabata ang biglang nakakita.  Pero wala silang nakikita kundi ang paglabag sa batas ng Sabbath.

Ibang klaseng kabulagan ito, hindi makita ang kamay ng Diyos sa pangyayari dahil pinadilim ang kanilang mga isip ng pagkainggit at pagkamuhi kay Hesus.  Hindi naman talaga lahat ng tumingin o nakinig kay Hesus ay sumampalataya sa kanya.  Ibang klaseng pagpapagaling ang kailangan para dito—pagbubukas ng esiritwal na mata.  Hangga’t hindi nabubuksan ang mata ng pananampalataya, talagang hindi makikita ng tao ang pagkilos ng Diyos sa buhay niya, hindi makikita ang mapagkalingang kamay ng Diyos sa mga karanasan niya. Kaya siguro PAGKAMULAT ang tawag natin sa pag-unawa.  “Ah, nakikita ko na ang ibig mong sabihin!” Ito ang nasasabi ng tao kapag naiintindihan na niya ang sinasabi ng kanyang kapwa.

Pansinin naman natin ngayon ang dulo ng kuwento.  Pinalayas daw ang dating pulubi mula sa puwestong pinagpapalimusan niya.  Parang ganoon din ang naranasan ng maraming mga Hudyo na yumakap sa pananampalatayang Kristiyano—pinalayas din sila mula sa mga sinagoga.  Kung masakit ang mapalayas, palagay ko dito hindi.

Di ba matamis sa pandinig ng pulubi ang “Lumayas ka dito.”?  Simula na ito ng bagong buhay para sa kanya.  Hindi na siya bulag; hindi na niya kailangang umasa sa limos ng iba.  Pwede na siyang magtrabaho, magtrabaho hindi lang para kikitain kundi para sa kaharian ng Diyos. Hindi lang nanauli ang silbi niya sa buhay, nanauli rin ang layunin at misyon niya bilang tao, ang dangal niya bilang anak ng Diyos, na tinanggap niya bilang regalo mula sa Anak ng Diyos.  

Iyun marahil ang tinutumbok ni San Juan kung bakit sinabi pa niya na ang kahulugan ng salitang Siloam na pangalan ng balon kung saan naghugas at nakakita ang pulubi ay SUGO.  Sa pagsamba niya kay Hesus, magsisimula rin ang kanyang pagiging sugo. Ang katapusan ng kanyang buhay pulubi ay simula ng kanyang buhay-alagad at sugo.

Ang punto: ito ang tunay na pagpapagaling na hangad ni Hesus—hindi lang ang mabuksan ang mga mata ng tao, kundi ang mamulat siya sa tunay na kahulugan ng buhay, ang tunay na layunin nito.  Marami na akong nakilalang mga tao na malaki ang kinikita pero walang nakikitang saya, kabuluhan o kaligayahan.  May isang linya sa Book of Revelation 3:17-18 na parang ganito rin ang mensahe:

“Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil dukha kayo sa pananampalataya, bulagsa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios . Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng ginto na dinalisay sa apoy upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan.” Pahayag 3:17-18(Homiliya para sa Linggo ng Laetare, Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, Juan 9:1-41.)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here