LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Kinilala ang pamahalaang panlalawigan dahil sa Bulacan Farmers/Fisherfolks Training Center nito.
Nasungkit ng Kapitolyo ang Gintong Tropeo sa 2022 Outstanding LGU Project – Public Infrastructure Category sa kakatapos na Fédération Internationale des Administrateurs de Bien-Conselis Immobiliers o FIABCI Philippines Property and Real Estate Excellence Awards.
Ayon kay Provincial Engineer’s Office Head Glenn Reyes, ang Bulacan Farmers/Fisherfolks Training Center ay dalawang palapag na gusali na mayroong minimalist at modernong approach na disenyo.
Ginamitan ang 15.5 milyong pisong imprastraktura ng mga aluminum cladding at glass curtain walls upang pumasok ang natural na liwanag na magpapabawas sa konsumo ng elektrisidad.
Ang akwal na training center ay nasa unang palapag habang sa ikalawang palapag ang bagong tanggapan ng Provincial Agriculture Office.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na bahagi ng kanyang People’s Agenda 10 na tiyakin na maisasaktuparan ang lahat programa ng pamahalaang panlalawigan upang lalong higit na matulungan ang mga nasa sektor ng agrikultura.
Ang FIABCI, na kilala bilang International Real Estate Federation, ay isang organisasyon ng mga propesyonal sa industriya ng real estate na itinatag sa Paris noong 1951. (CLJD/VFC-PIA 3)