1 patay, 19 sugatan sa salpukan jeep, mini-bus

    307
    0
    SHARE
    SUBIC, Zambales – Isa ang patay, 19 ang sugatan ng sumalpok ang isang mini-bus sa nakaparadang pampasaherong jeep sa kahabaan ng National Highway sa Sitio Nagyatok, Barangay Cawag sa bayang ito kahapon ng umaga.

    Sa ulat ng pulisya, kinilala ang nasawing si Edgar Asuncion, residente ng Barangay Laog, San Marcelino, Zambales at conductor ng mini-bus na may plakang AVM-435 na minamaneho ni Roy Yap.

    Ayon sa ulat alas-7:40 ng umaga ng maganap ang aksidente ng salpukin ng mini-bus ang nakaparadang jeep na may plakang CXK-361 na minamaneho ni Adam Nassien, 29-anyos at CXH-563 na minamaneho ni Dudito Almoroto, 40-anyos kung saan pawang ang sakay ng mga ito ay empleyado ng Hanjin.

    Sampung mga empleyado ng Hanjin ang dinala sa San Marcelino Hospital para lapatan ng lunas, isa na dito si Econ Tambago, 21-anyos na naka-confine sa nasabing hospital, habang si Melba Carreon ay inilipat sa St. Jude Hospital sa Olongapo City bunga ng tinamo nitong sugat sa ulo.

    Ang iba pang sugatan ay pinauwi na sa kanilang bahay, samantalang siyam naman ang bibigyan ng lunas sa Hanjin clinic.

    Ayon sa ilang nakasaksi sa aksidente, matulin ang takbo ng mini-bus kung kaya sa pag-iwas sa makakasalubong ay sumalpok ito sa dalawang jeep na nagbaba ng pasahero.

    Ang driver na si Yap ay nasa pangangalaga na ng Subic Police at sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing aksidente.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here