LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Isa sa mga tinututukang programa ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang mga adbokasiya kontra sa paglaganap ng ilegal na droga.
Kabilang dito ang isinusulong na BIDA Program o Buhay Ingatan Droga’y Ayawan na tuloy-tuloy na adbokasiya katuwang ang iba’t ibang sangay ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay DILG Regional Director Anthony Nuyda, kailangan ang suporta ng bawat isa o whole-of-nation approach upang mabawasan o tuluyang mawala ang paggamit ng ilegal na droga sa mga barangay at komunidad.
Dapat aniyang malaman ng mamamayan partikular ng mga kabataan ang masamang epekto ng ilegal na droga sa buhay ng tao upang mismong sila na ang umayaw at lumayo sa masamang bisyong ito.
Hinihikayat ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na magsulong ng mga kagayang programa, istratehiya at mga aktibidad na mapagtutuunan ng atensiyon ng mga kabataan at vulnerable sector na magsisilbing pamamaraan upang makaiwas sa paggamit ng ilegal na droga.
Isa sa mga aktibidad na idinaos sa ilalim ng BIDA Program ang kamakailan lamang na BIDA Run na kung saan umabot sa 7,000 indibidwal ang lumahok sa rehiyon.
Pahayag ni Nuyda, marami pang mga nakalinyang aktibidad ang isasagawa sa ilalim ng BIDA Program tulad ang pagdaraos ng youth camp o leadership camp upang mismong ang mga kabataan ang manguna sa mga adbokasiya sa pagsugpo sa illegal drugs.
Ilan pa sa mga gampanin ng DILG ang pag-audit o pagtitiyak na epektibong nakatutugon sa tungkulin ang bawat Anti-Drug Abuse Council na mayroon sa bawat barangay, munisipyo, siyudad at probinsiya.
Kasama din ang kanilang ahensiya sa tuloy-tuloy na drug clearing program sa mga barangay sa pangangasiwa ng Philippine Drug Enforcement Agency katuwang ang mga kapulisan at mga lokal na pamahalaan na kung saan umaabot na sa humigit 2,300 na barangay sa rehiyon ang idineklarang drug cleared.
Ang mensahe ni Nuyda, malaki ang maiaambag ng bawat mamamayan sa kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng simpleng pag-iwas at huwag masangkot sa paggamit ng ilegal na droga upang maingatan ang sarili, pamilya at buong pamayanan mula sa epekto ng ilegal na droga sa lipunan. (CLJD/CCN-PIA 3)