Home Headlines Pag-IBIG Fund Cabanatuan, patuloy ang paglalagay ng MPL Drop Box

Pag-IBIG Fund Cabanatuan, patuloy ang paglalagay ng MPL Drop Box

591
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Patuloy ang paglalagay ng Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch ng Multi-Purpose Loan o MPL Drop Box sa iba’t ibang estabisimento sa Nueva Ecija.

Ang inisyatibong ito ay nagsimula pa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic na may layuning ilapit ang mga serbisyo sa miyembro partikular sa mga nais mag-aplay sa MPL at Calamity Loan Program.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, sa pamamagitan ng naturang programa ay hindi na kailangan pang personal na magtungo ng miyembro sa opisina ng Pag-IBIG Fund para magpasa ng aplikasyon dahil maaari na lamang itong ihulog sa nakatalagang drop box na matatagpuan sa mga tanggapan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan, national government agencies at mga establisimento o partner employers.

MPL BOX LAUR. Personal na nagtungo si Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba (nasa gitna) kasama si Members Services Officer IV Gladys Ann Arada (nasa kanan) sa opisina ni Laur Mayor Christopher Daus (nasa kaliwa) upang ipaliwanag ang mga serbisyo ng ahensiya na inilalapit sa mga miyembro sa pamamagitan ng pagkakaroon ng MPL Drop Box. (Pag-IBIG Fund Cabanatuan)

Ngayon ay hindi lamang MPL at Calamity Loan ang maaaring ihulog sa drop box dahil pinapayagan na ding ipasa rito ang lahat ng mga aplikasyon na nais ma-avail ng mga miyembro sa Pag-IBIG Fund tulad ng Maturity Claim, Retirement Claim, Member’s Change of Information, Application for Consolidation, at iba pa.

Sa kasalukuyan ay nasa 32 MPL Drop Boxes na ang nailunsad ng Pag-IBIG Fund sa buong lalawigan ng Nueva Ecija na nahahati sa apat na grupo at area coverage upang mabilis ang pagkolekta sa mga inihuhulog na aplikasyon kada linggo.

Kabilang sa Monday Group ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech, Philippine Rice Research Institute o PhilRice, San Jose City Schools Division Office, Science City of Muñoz Schools Division Office, Central Luzon State University, pamahalaang lungsod ng San Jose, pamahalaang lungsod agham ng Muñoz, at pamahalaang bayan ng Lupao.

Ang Tuesday Group ay kinabibilangan ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija, mga pamahalaang lungsod ng Palayan at Cabanatuan, mga pamahalaang bayan ng

Gabaldon, Laur, at Bongabon at Cabanatuan City Schools Division Office.

Tuwing Miyerkules naman kinokolekta ng Pag-IBIG Fund ang mga aplikasyon sa mga MPL Drop Box na matatagpuan sa Nueva Ecija Schools Division Office, Gapan Schols Division Office, Nueva Ecija 1 Electric Cooperative, Inc, mga pamahalaang bayan ng

San Leonardo, Jaen, Peñaranda, San Antonio, Zaragoza, General Tinio, at Santa Rosa, at pamahalaang lungsod ng Gapan.

Samantalang ang Thursday Group ay binubuo ng mga pamahalaang bayan ng Quezon, Guimba, Talugtug, Cuyapo, at Licab at Friendship Supermarket.

Pahayag ni Pasaraba, simula nang ilunsad ang MPL Drop Box noong Marso 1,2022 ay umabot na sa 2,987 MPL application ang natanggap ng ahensiya katumbas ang halagang aabot sa 70.4 milyong piso.

Mapapatuloy aniya ang programang ito upang mas lalong mailapit ang mga programa at serbisyo ng ahensiya para sa kapakinabangan ng mga miyembro at nagnanais pa lamang maging miyembro ng Pag-IBIG Fund.  (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here