SAMAL, Bataan — Isang mahabang motorcade ang ginanap sa bayang ito nitong Huwebes bilang pagpapatuloy sa paggunita ng Fire Prevention Month na nagsimula Marso 1.
Habang tila umaatungal ang sirena ng dalawang firetruck, umikot ang motorcade sa kahabaan ng MacArthur Highway mula sa Barangay Lalawigan hanggang Barangay West Calaguiman.
Bukod sa mga kasapi ng Bureau of Fire Protection, lumahok din sa motorcade ang mga kinatawan ng pulisya, 14 na barangay at ng iba-ibang sangay ng pamahalaan.
Sinabi ni FO3 Hazael Rad B. Giron, Samal BFP fire safety enforcement section chief, na ang paggunita ay may temang “Sa pag-iwas sa sunog, di ka nag-iisa.” Ito ay nangangahulugan, aniya, na ang fire safety ay hindi lamang concern ng BFP kundi isang shared responsibility sa mamamayan.
Ipinapaalala sa paggunita ng Fire Prevention Month ang palaging pag-iingat araw-araw upang makaiwas sa sunog na hindi lamang sumisira ng ari-arian kundi kumikitil din ng maraming buhay, sabi ni Giron.
Nauna rito, nagsagawa rin ang BFP ng sabay-sabay na blowing of horns noong hatinggabi ng Martes na hudyat ng panimula ng Fire Prevention Month.
Ayon kay FO3 Giron, sa utos ng kanilang hepe na si SF04 Ronald Capuli, araw-araw ay iikot ang firetruck sa buong Samal at magsasagawa sila ng sari-saring aktibidad tulad ng Thanksgiving Mass sa Biyerness (March 3) ng hapon, fun bike mula sa mga bayan ng Dinalupihan hanggang Pilar sa March 4.
Magkakaroon din, ani Giron, ng lecture para sa mga marshal sa March 14 at Zumba sa March 17.