LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Bukod sa Department of Agriculture ay bubusisiin sa pagdinig ng Kamara kung may kinalaman din sa onion cartel ang Bureau of Customs at National Bureau of Investigations.
Ito ang inihayag ni Nueva Ecija Rep. Rosanna Vergara nang ito ay makapanayam ng Punto! patungkol sa imbestigasyon ng Committee on Agriculture and Food sa House of Representatives hinggil sa isyu ng sibuyas sa bansa.
“May cartel ng sibuyas ngunit nakakalungkot dahil walang masyadong ‘lumabas’ sa aming executive session,” ani Vergara.
“Patuloy pa ang pagdinig ng committee at kailangang mahanap kung sino ba talaga ang nasa likod ng pagho-hoard at bakit tila napakatapang ni Leah Cruz habang nasa hearing”, paliwanag pa ni Vergara.
Sisikapin aniya ng kumite na maghanap pa ng ibang resource speaker na naiintindihan ang modus sa DA.
Ani Vergara, naniniwala siya na hindi lamang nangyayari ang cartel sa DA na maaring may kasabwat din mula sa BOC dahil sa smuggling ng sibuyas.
Habang nagtataka naman siya sa NBI na walang maisagot sa kanilang mga katanungan at wala pa itong naipapakitang report hinggil sa nangyari sa sibuyas noong Disyembre.
Dahil dito ay aalamin pa aniya ng kumite kung mayroong pumuprotekta sa mga taong nagmamanipula sa bentahan ng sibuyas na tila “tentacles” na nakapasok sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno
Ayon pa kay Vergara, sa pagkakataong ito ay sumobra na ang nagmamanipula ng mga nasa onion cartel na dapat mabantayan para maprotektahan ang industriya ng sibuyas.
Sa mga susunod aniya na pagdinig ay may mga inimbita pa ang kumite na mga resource person at hinihintay din nila ang maiuulat ng NBI sa nangyari sa supply ng sibuyas nitong nakaraang Disyembre.
Matapos naman aniya ang pagdinig ay naniniwala siya na gagawin ng hukuman ang trabaho nito matapos ang kanilang ilalabas na committee report.