Home Headlines Bahagi ng Roman Highway hindi pinadaanan dahil sa bitak

Bahagi ng Roman Highway hindi pinadaanan dahil sa bitak

635
0
SHARE
Bitak sa semento ng Roman Highway. Kuha ni Ernie Esconde

ORANI, Bataan — Pinag-iingat ng Metro Bataan Development Authority ang mga biyahero at pansamantalang hindi muna pinadaanan simula ngayong Miyerkules ang isang bahagi ng Roman Highway sa Sitio Bangad sa Orion dahil sa lumalaking bitak sa kongkretong kalsada.

Sinabi ni MBDA traffic enforcer Ernie Garcia na ini-report na nila ito sa kanilang operations office at pansamantalang nilagyan muna ng harang upang iwasan ng mga driver ang may bitak sa sementong bahagi ng outermost lane going south ng major Bataan highway.

Ipinaalam na ito, aniya, sa Department of Public Works and Highways at sa provincial engineering office na magdidisisyon kung ano ang marapat gawin.   

“Maaaring bago lang ang bitak dahil nadadaanan pa ito ng mga truck. Ginagawa ang tulay, syempre bumukas ang shoulder kaya hindi na sa gitna dumadaan at dito na sa gilid kaya siguro nagbitak,” sabi ni Garcia.

Patuloy ang widening sa kabuuan ng Roman Highway mula four lanes sa six lanes na tumatahak sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Balanga City, Pilar, Orion, Limay, at Mariveles. 

Ayon kay Edmon Brin, may-ari ng iron works shop sa tabi ng highway, matagal na ang bitak bagama’t bahagya pa lamang noong una ngunit kapag daw may malalaking truck na dumadaan ay unti-unting lumalaki ang bitak.

“Ngayon nga lumaki na. Kapag dumadaan ang truck ay gumegewang na ang mga ito kaya natatakot kami na baka tumagilid ang truck at sa amin tumama,” sabi ni Brin.

Dalawang beses na umanong may taga-DPWH na bumisita sa lugar at maaaring pinag-aaralan na kung ano ang dapat gawin. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here