TALAVERA, Nueva Ecija – Pinuri ng isang opisyal ng National Housing Authority ang maayos at mabilis na implementasyon ng housing project sa bayang ito matapos ang inspeksiyon sa proyekto nitong Miyerkules.
Ayon kay NHA-Tarlac District manager Jerome Yabot, ng Tarlac/Nueva Ecija/Aurora District, mayroong 60 yunit ang unang bahagi ng proyekto na malapit nang buksan sa Barangay Lomboy dito, ang pangatlong proyekto sa pabahay na pinagtutulungan ng ahensiya at pamahalaang bayan.
“Maayos, mabilis at maganda ang pagpapatupad ng proyekto,” ani Yabot.
Kaugnay nito ay nagpahayag si Yabot ng kahandaan na makipagtulungan pa sa pamahalaang lokal upang magdagdag ng mga katulad na proyekto sa bayang ito.
Lubos ang pasasalamat ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Nerito Santos, Jr. sa lahat ng mga ahensiyang tumutulong upang magkaroon ng abot-kaya at disenteng pabahay ang mga nangangailangang mamamayan na wala pang sariling tahanan.
Bukod sa mismong pabahay na ipinagkaloob ng NHA ay katuwang din sa proyekto ang Department of Human Settlements and Urban Development na namamahala sa site development samantalang sagot ng pamahalaang lokal ng Talavera ang lupang kinatatayuan ng proyekto.
Ayon naman kay Vice Mayor Nerivi Martinez, nag-iisip at gumagawa ng paraan ang pamahalaang lokal upang mabigyang solusyon ang marami pang kailangang pabahay para sa mga mamamayan, kabilang na ang pagbili ng mga lote para sa karagdagan pang mga housing project.
Nakalinya din sa mga tinututukang programa ng pamahalaang bayan ng Talavera para sa taong ito ang patuloy na paghahatid ng mga social services, at iba pang mga pagawain tulad ng government center at pagpapasaayos ng pamilihang bayan.
Ang bayang ito na isang first class municipality ay inihahanda na sa pagiging lungsod. Ito ay katabi lamang ng Cabanatuan City.
Nauna nang naghain ng panukala si Sen. Imee Marcos sa Senado para sa cityhood nito.