Home Headlines Huwag pustisong ngipin, kamay na bakal ang gamitin

Huwag pustisong ngipin, kamay na bakal ang gamitin

528
0
SHARE

Marami na itong nagsasabing tila
ang Pangulo ay may kahinaan yata
at para bang hindi niya basta masita
ang mga Kalihim na may maling gawa.

Gaya ng kung sino riyan na nangahas
ipirma nito ang pangalan at sukat
ng ating Pangulo nang ito’y umangkat
ng asukal, saka yata ng sibuyas?

Na ni sinabon o sinuspende yata
gayong iligal ang bagay na nagawa
at may katapat na parusa ika nga,
nang di pamarisan ng Sec niya kapwa.

Mahusay, magaling ang anak na bunso
ng ating pinaka-mamahal na Apo
(Lakay) ng Ilocos, na siyang nagturo
kay Bongbong kung kaya lumaking matino.

Kaya lang dahil sa sobrang kabaitan
at sa kapwa tao lubhang mapagbigay,
kung ang pagkasala ay di kabigatan
may tsansa na sila’y di tinuluyan.

Kung kaya marahil di niya sinisipa
ang kagaya r’yan ng nagkasala na nga
sa legalidad ng batas sa pag-gawa,
ang nangingibabaw sa puso ay awa?

Kaya nga’t si Bongbong diyan napintasan
na mahina siya at di niya makayang
supilin ang mali’t gawang kabalbalan
ng ibang galamay niya sa Malakanyang.

Kung saan ang pintas nga nila kay Bongbong
mahinang klase r’yan ng Administrasyon
ang makaya niyang ipatupad ngayong
siya ang may hawak sa Pambansang Timon!

At ito ang sanhi kung bakit siguro
ayon sa marami bigo ang Pangulo
na maihangat ang mga Pilipino
sa ipinangako niyang pagbabago.

Patungo sa buhay na lahat ng bagay
abot tanaw at/o mapayapang tunay.
ligtas sa gutom ang mga mamamayan
at ‘peace and order’ ang iniwawagayway.

At anumang bagay na labag sa batas
masupil at di muling mamulaklak
sa ‘ting Inangbayan itong ‘illegal drugs’
na tunay na mitsa ng kriminalidad.

Marapat lamang na walang sinu-sino
ang ating napaka-simple r’yang Pangulo,
na ke’ ang lumapit , mataas na tao,
di dapat bigyan ng importasya nito.

Di dapat gumamit ng pustisong ngipin
si Bongbong upang ang illegal sugpuin
kundi ng bakal na kamay ang gamitin
laban sa kung sino pa man na tigasin.

D’yan maipamalas ng ating Pangulo
na siya ay di ‘weak’ o mahina ito,
gaya ng sa kanya ay ibinabato,
ng iba na siya ay lampa umano!?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here