Home Headlines Trip to Bethlehem

Trip to Bethlehem

529
0
SHARE

ANG TITLE ng homily na ito ay TRIP TO BETHLEHEM. Ito ang mungkahi kong ipalit sa kasuklam-suklam na larong TRIP TO JERUSALEM. Ito ang isa sa mga madalas gawing fun games sa mga Christmas party. Ewan ko ba kung sino ang umimbento sa “fun game” na ito. “It’s not fun at all.”

Kung sampu ang naglalaro, laging kulang ng isa ang mga upuan na nakapaikot nang pabilog. Pinasasayaw na lumalakad ang mga contestants paikot sa mga upuan habang tumutugtog ang isang kanta. Kailangan listo sila dahil kapag biglang huminto ang kanta, dapat uupo sila. E kulang nga ng isa ang mga upuan so, ano ang mangyayari sa hindi makaupo? Edi talo. 

Ang sikreto ng pagpanalo sa larong ito ay simple lang: husay sa pakikipag-unahan, tulakan, o agawan ng puwesto. Kung minsan nga kailangan pang ulitin ang isang ikot kapag dalawa ang napaupo sa iisang silya at tagkakalahati ng puwit nila ang nakapuwesto. Ano bang “values” ang pino-promote ng kasuklam-suklam na larong ito? Ang pinakamagaling sa tulakan at agawan ng pwesto, iyon ang panalo. Iyon ang dapat iluklok sa trono.

Palagay ko kaya tinawag na Trip to Jerusalem ang larong ito ay dahil ang pinagkuhanan ng inspirasyon ay ang kuwento ni Herodes ng Jerusalem sa ebanghelyong binasa natin ngayon. Parang gustong paikutin ni Herodes ang mga bisitang Mago dahil sa takot na maagawan siya ng puwesto ng kapangyarihan.

Ang sabi ni San Mateo nagambala daw o naligalig ang buong Jerusalem dahil sa pagdalaw ng Tatlong Mago o Pantas na taga-silangan. Palagay ko sinadyang laruin ni San Mateo sa kuwento ang pangalan ng siyudad ng JERUSALEM. Galing kasi ito sa salitang Hebreong YERUSHALAIM (‘IR—siyudad; SHALOM—Kapayapaan), ibig sabihin “City of Peace” (Siyudad ng Kapayapaan). Naistorbo ang kapayapaan ng buong siyudad nang dumating ang mga bisita.

Parang nagpapatawa si Mateo, “wise men” o pantas pa mandin ang tawag niya sa tatlo. Mukhang hindi sila ganoon katalino. Sa lahat ba naman ng puwedeng tanungin, si Herodes pa ang tinanong! Nagkamali sila. Nilagay pa tuloy nila sa panganib ang hinahanap nila. At kung i-fast forward natin ang kuwento, ang pagkakamaling ito ang magbubunsod sa malagim na pagpapapatay ni Herodes sa mga “Niños Inocentes” ng Bethlehem.

Pero siyempre, hindi naman natin sila masisi. Wala pa kasing Waze o GPS applications noon na magbibigay sa kanila ng direksyon at magsasabing “You have arrived at your destination.” Kaya sila tinawag na Mago ay dahil marunong daw silang bumasa ng posisyon ng mga bituin sa paglalakbay nila. Big deal na iyon noon, high tech na, kumbaga. Siyempre kung mga bituin sa langit ang nagsisilbing compass nila, edi paano na lang sila kapag maulap o makulimlim at hindi makita ang mga tala? Kung sa Maynila sila napadpad e baka lalo silang naligaw dahil laging natatakpan ng usok ng polusyon ang langit dito sa Kamaynilaan.

Kahit naman Waze o GPS pumapalpak din, di ba? Lalo na kapag namali ka ng liko kahit mayroon nang itinerary si Waze. Siyempre, binago mo kaya magri-recalculate siya. Kapag nagkataong wala pa namang wifi o mahina ang cellular data, patay kang bata ka, maliligaw ka talaga!

Hindi ko rin masisi ang tatlong bisita na sa dami ng pwedeng pagtanungan ay si Herodes pa ang pinagtanungan. Siyempre, “bagong silang (daw) na hari ng mga Hudyo” ang hinahanap nila. Saan pa sila maghahanap ng hari kundi sa palasyo? Kanino nila aasahan na isilang ang isang bagong hari kundi sa pamilya ng mga hari? Iyan ang hirap kapag sumunod lang tayo sa nakasanayan. Saka pa lang nila talaga malalaman na ang hinahanap nila ay kakaibang klaseng hari; hindi sa palasyo nakatira. Tinik ang ikokorona sa kanya, krus ang magiging trono niya. Mga anghel na walang baril ang mga sundalo niya. Kaya siguro sa dulo ng kuwento sabi ni San Mateo nag-iba sila ng direksyon pauwi.

Dito sa mundo, ang mga mahilig maglaro ng TRIP TO JERUSALEM ay mga tipo ni Herodes. Mga haring medyo may topak katulad niya. Alam ng mga taga-Jerusalem, kapag naligalig si Herodes maliligalig din ang buong bansa dahil alam nila may mamamatay na naman. Ang “insecure” at “narcissistic” na haring ito ang champion ng “Trip to Jerusalem.” May track record siya sa pagpatay sa kanyang itinuturing na mga kaaway, mga tipong kaagaw niya sa trono o sa puwesto, o mga tipong kumukwestyon sa kanyang otoridad. Kaya kapalpakan talaga na siya pa ang natanong ng mga bisita.

Ayon sa kuwento ng mga historians, kapag may narinig daw na kuwento si Herodes, kahit tsismis lang na inaagawan siya ng puwesto, walang anak-anak sa kanya; walang asa-asawa, o kapatid, o biyenan o kaibigan. Lahat daw pinapapatay niya kaagad, para mawalan siya ng kaagaw sa upuan. Walang-pami-pamilya sa kanya—eksperto nga kasi siya ng Trip to Jerusalem. Unahan, tulakan, agawan ang alam niya—lahat ng paraan na nakasisira ng pamilya.

Kapag walang natutuhan ang mga bata at kabataan na pahalagahan kundi ang “survival of the fittest” o matira ang matibay, kapag walang alam laruin kundi Trip to Jerusalem at nasanay sa gulangan, talagang hindi sila matututong bumuo ng pamilya.

Sabi ni San Mateo, mga punong pari at eskriba daw ang kinunsulta ni Herodes at nagbasa pa ang mga ito sa Bibliya para mabigyan ng tamang direksyon ang tatlong bisita. Hindi pala Jerusalem ang destinasyon nila kundi Bethlehem. Salamat na lang at lumitaw muli ang star o nagka-signal muli si waze at nakapag-recalculate. Doon pala sa Bethlehem nila matatagpuan ang Sagrada Pamilya, ang pamilyang hinahanap nila, ang bagong silang na hari na hindi sa palasyo nakatira.

Ito ang pamilyang magiging parang bato-balani na hihigop sa lahat ng bansa sa buong daigdig. Ang pamilyang kahit ni-reject at ayaw patuluyin, ang pamilyang pinagtulakan sa mga laylayan ng lipunan, sila pala ang pamilyang hinahanap ng mga pantas. Ang star pala ng langit ay bumaba sa lupa at siya mismo ang papapel bilang gabay, bilang waze ng sangkatauhan para makita ang tamang direksyon tungo sa siyudad ng kapayapaan. Doon pala nila sa Bethlehem makikilala ang Anak ng Diyos na naging kapamilya ng Tao, upang ang lahat ng tao ay maging kapamilya ng Diyos. 

Hindi laro ito kundi totoong buhay. Hindi agawan, tulakan o gulangan ang ituturo ng Trip to Bethlehem. Sa Trip to Bethlehem, hindi mo kailangang mang-agaw ng upuan. Mas panalo ka kapag nagbigay ka ng upuan. Kung gusto mong unawain ka, umunawa ka; kung gusto mong patawarin ka, magpatawad ka. Kung gusto mong bigyan ka, magbigay ka. Kung gusto mong mahalin ka, magmahal ka. Kung gusto mong mabuhay, pag-aralan mong mag-alay ng buhay katulad ng ginawa ng Star of Bethlehem na nagdusa, namatay at muling nabuhay sa Jerusalem para maghatid ng tunay na kapayapaan sa buong daigdig.

(Homily for the Feast of the Epiphany, 8 January 2023, Mt 2:1-12)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here