Home Headlines Bagong youth rehab center, pinasinayaan sa Bulacan

Bagong youth rehab center, pinasinayaan sa Bulacan

555
0
SHARE
Pinangunahan nina Gobernador Daniel Fernando (pangalawa sa kaliwa) at Bise Gobernador Alexis Castro (pangalawa sa kanan) ang paghawi sa pananda bilang hudyat ng inagurasyon at pagbubukas ng bagong Tanglaw ng Pag-asa Youth Rehabilitation Center sa barangay Bulihan, lungsod ng Malolos. Kasama rin ang Kinatawan ng Unang Distrito ng Bulacan Danilo Domingo (kanan) at Judge Sita Jose-Clemente ng Regional Trial Court Branch 16 (kaliwa). (PPAO)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinasinayaan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang isang youth rehabilitation center sa barangay Bulihan sa lungsod ng Malolos.

Ang Tanglaw ng Pag-asa Youth Rehabilitation Center o TPYRC ang magsisilbing gabay ng mga children in conflict with the law o CICL tungo sa mas magandang kinabukasan.

Ayon kay TPYRC Head Jay Mark Chico, nakatuon ang mga programa na ipinatutupad sa loob ng center sa pagkamit ng treatment goals para sa mga indibidwal na kabataan at buong grupo sa kabuuan upang matulungan silang bumuo ng socially constructive at produktibong pag-uugali.

Kabilang sa mga pasilidad nito ang 10 dormitoryo, library, clinic, prayer room, isolation room, activity area, mess hall, basketball court, palikuran, at laundry area na kayang magpatuloy ng hindi hihigit sa 200 indibidwal na may edad 15 hanggang 18.

Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga kabataang nananatili sa rehabilitation center ay bumaba sa 55 kumpara noong taong 2018 na may 150 CICL dahil sa pinagsamang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO.

Sinabi naman ni Gobernador Daniel Fernando na patuloy ang pagsisikap sila sa pagbibigay ng psychosocial at therapeutic programs sa mga minor-aged law offender o mga CICL para sila ay maging kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.

Habang nasa ilalim ng pangangalaga ng TPYRC, binibigyan ng access ang mga CICL sa lahat ng kinakailangang serbisyo kabilang ang edukasyon; moral na pag-unlad; legal na tulong; serbisyong pangkalusugan; mga serbisyong sikolohikal; mga serbisyo sa nutrisyon; espirituwal at moral na serbisyo; programang pangkabuhayan; livelihood services; at pagbibigay ng mga damit at personal na mga gamit na makatutulong sa kanila na mag-adjust sa muli nilang pagbalik sa kanilang mga komunidad.

Ito ay pinamamahalaan at pinopondohan ng pamahalaang panlalawigan na pinapangasiwaan naman ng PSWDO alinsunod sa Republic Act No. 9344 na sinususugan ng Republic Act No. 10630, kung saan sa buong rehiyon, tanging ang Bulacan lamang ang may ganitong uri ng pasilidad para sa mga CICL. (CLJD/VFC-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here