
BOCAUE, Bulacan —- Tutol ang ilang mga nagtitinda ng paputok dito sa pahayag ni President Bongbong Marcos na maglagay ang mga LGU ng common fireworks display area para makaiwas sa aksidente ng pagpapaputok.
Ayon kay Justina Gabuyo, may-ari ng Global Fireworks, marami ang mawawalan ng hanapbuhay kung ang mga LGU na lang ang magsasagawa ng fireworks display.
Libo-libo aniya ang nasa industriya ng pagpapaputok ng maapektuhan kung mangyayari ang pahayag ni Marcos Jr.
Marami na daw na pangulo ng Pilipinas ang nagpahayag ng ganito at hindi sila pabor dahil hihina ang kanilang bentahan.
Hindi aniya praktikal na aalis pa ng bahay para manood lamang ng fireworks display sa kasagsagan ng pagsalubong ng Bagong taon.
Samantala, ilang taon naman na ginagawa na ng Lokal na Pamahalaan ng Bocaue ang common fireworks display na magmula pa nang ipag-utos noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Alexander Yap, OIC-administrator, nagbigay na rin ng direktiba ang lokal na pamahalaan na ipinagbabawal sa Bocaue ang pagpapaputok sa mga kabahayan upang makaiwas sa disgrasya partikular na ang sunog.