Home Headlines 1 patay, 2 sugatan sa banggaan ng truck, kotse

1 patay, 2 sugatan sa banggaan ng truck, kotse

756
0
SHARE
Taimtim na nananalangin si Bishop Ruperto Santos (kanan) habang sinusubakang i-revive ng MBDA rescue workers ang school teacher. Kuha ni Ernie Esconde

ORANI, Bataan — Patay ang isang school teacher samantalang sugatan ang kanyang batang anak  na lalaki at ang driver ng fuel truck  na nakabanggaan ng kotseng sinasakyan nila Sabado ng gabi sa bahagi ng Roman Superhighway dito. 

Batay sa report, nabangga ng fuel tanker ang kasalubong na kulay silver na Toyota Vios na sinasakyan ng namatay at tinamaan naman sa unahang bumper ang itim na kotseng sinasakyan ni Bataan Bishop Ruperto Santos na papuntang Maynila. 

Hindi nasaktan si bishop at ang kapatid niya na may-ari at nagmamaneho ng itim na kotse. Si Bishop Santos ang agad nagpatawag sa Metro Bataan Development Authority upang saklolohan ang mga nasugatan.

Kinilala ni Bataan provincial director Col. Romell Velasco ang namatay na si Ailene Dulay, 31, public school teacher ng Mariveles, Bataan na sinubukang i-revive ng mga sumaklolong rescue workers ng MBDA. 

Ang nasugatan ay isang batang lalaki na anak ng namatay at ang fuel tanker driver na si Jayde Espiritu, 31, ng Lallo, Cagayan. Hindi nasaktan ang ama ng bata at asawa ng namatay na nagmamaneho ng kotseng Toyota Vios. Ang mag-ina ay parehong nasa likurang upuan. 

Batay sa inisyal na imbestigasyon, tumatakbo ang fuel truck mula Mariveles papuntang Pampanga nang diumano’y okupahan nito ang linyang tinatahak ng kasalubong na Vios. 

Nagkabanggaan ang fuel truck at Vios na dahil sa matinding impact, nagpaikot-ikot ang truck at Vios na tumama naman sa unahan ng itim na kotseng sinasakyan ni Bishop Santos. 

Ayon sa obispo, kinaladkad ng fuel truck ang kotseng Vios mula sa gitna na pagkatapos ay tumama naman sa unahan ng sasakyan nila.

Sinabi naman ng driver ng fuel truck na biglang may huminto kaya iniwasan niya. “Hindi kinaya ng preno ko kaya humarap sa ibang way (umikot) ang minamaneho ko at hindi ko alam kung paano tinamaan ang kotse.”

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Orani police at inihahanda ang karampatang  kaso laban sa fuel truck driver.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here