Home Headlines P14.31B proyektong PPP sa Bulacan, inilatag

P14.31B proyektong PPP sa Bulacan, inilatag

734
0
SHARE
Ipriniprisinta ni Provincial Planning and Development Office Division Head Randy Po sa ginanap na Invest Bulacan Summit 2022 ang plano sa 7.9 ektaryang pag-aari ng Kapitolyo sa Tabang, Guiguinto, Bulacan na patatayuan ng mga paupahang pwesto sa ilalim ng Public-Private Partnership. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inilatag ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang panibagong set ng mga proyektong imprastraktura na isasakatuparan sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships o PPP.

Sa ginanap na Invest Bulacan Summit 2022 na inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI, sinabi ni Provincial Planning and Development Office Division Head Randy Po na aabot sa halagang 14.31 bilyong piso ang mga bagong proyekto na inihanda ng Kapitolyo upang pondohan ng kwalipikadong pribadong sektor.

Kabilang na rito ang Bulacan Cyber Park and Business District na nasa barangay Bulihan sa lungsod ng Malolos na may halagang 4.5 bilyong piso.

Target mahikayat na makapaglagak ng pamumuhunan ang mga nasa industriya ng Business Processing Outsourcing, banking, retail at night market. Ipagpapatuloy ng Robinsons Land Corporation ang pagpapatayo ng mga gusali at espasyo na uupahan ng nasabing mga sektor.

Nauna nang naibaon ang mga pundasyon para sa itatayong mga gusali sa proyektong Bulacan Cyber Park and Business District noong 2019 ngunit nahinto dahil sa pagtama ng pandemya.

Sa kalapit na bayan ng Guiguinto, may 7.9 ektaryang lupa na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan ang hindi na nagagamit sa mahabang panahon. Dati itong kinaroroonan ng Provincial Engineering Office at ng Hiyas Agro-Commodity Center.

Ang magiging kwalipikadong konsesyonaryo ay kailangang makapaglagak ng inisyal na P4.80 bilyong pamumuhunan para makapagtayo ng mga mixed-use facilities.

Matatagpuan ang lupain na ito sa pagitan ng magkabilang panig ng Manila North Road at katabi ng magiging Guiguinto station ng North-South Commuter Railway o NSCR Phase 1 sa barangay Tabang.

Sa silangang bahagi ng North Luzon Expressway na nasasakupan ng mga bayan ng Pandi, Balagtas at Bocaue, planong itayo ang Bulacan Mega City kung saan nangangailangan ng inisyal na 5.01 bilyong piso para sa land development.

Idinisenyo ito upang makapagbukas ng mga bagong oportunidad sa silangang bahagi ng lalawigan upang magkaroon ng karagdagang mga international retail outlet store, shopping mall, techno hub, factory, warehouses at business processing outsourcing.

Nauna nang lumagda sa sisterhood agreement ang Bulacan at ang Hunan Province ng People’s Republic of China, na nagbunsod upang maihain ang letter of intent sa pamumuhunan ng nasa 50 bilyong piso para sa Bulacan Mega City.

Kaugnay nito, ayon pa kay Po, tinatayang aabutin ng isang milyon na mga bagong trabaho ang malilikha dahil sa pagtatayo at magiging epekto ng mga proyektong ito. Target na makita ang inisyal na magagawa rito sa taong 2025 at makumpleto sa taong 2028.

Para kay BCCI Chairperson Cristina Tuzon, ang paglalatag ng mga proyektong ito ng pamahalaan kung saan magkakaroon ng malaking papel ang pribadong sektor, ay pagpapatunay na ang Bulacan ay nakalinya sa mga lugar sa Pilipinas na itinuturing na isang investment hub.

Malaking panghikayat din aniya ang mga malalaking imprastraktura na isinasakatuparan ng pamahalaang nasyonal gaya ng NSCR Phase 1 at Phase 2, Metro Rail Transit 7 at ang sinisimulan na New Manila International Airport. (CLJD/VFC-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here