Home Headlines Sorpresang hearing aid nagpaiyak sa lola

Sorpresang hearing aid nagpaiyak sa lola

589
0
SHARE
Napaiyak si Juanita Evora nang ikakabit ng mga anak ang hearing aid habang nakatingin ang ibang kaanak. Kuha ni Ernie Esconde

SAMAL, Bataan – Lubos ang kasiyahan sa paparating na Kapaskuhan, lalo’t sa pakikinig ng masasayang carols ang isang 76-taong gulang na lola na matagal na ring biyuda nang sorpresahin siya nitong Linggo ng mga anak, apo at pamangkin ng hearing aid na matagal na niyang pangarap.

Nangingilid ang luha sa mata, isa-isang pinasalamatan ni Juanita Evora, kagawad ng Barangay Sta. Lucia sa bayang ito, ang lahat ng nagtulong-tulong upang regaluhan siya ng hearing aid.

Matagal nang iniinda ni Evora ang paghina ng kanyang pandinig na na-diagnose na ang isang tainga ay may profound hearing deficiency at ang isa ay severe na. 

Inirekomenda ng duktor na ang paraan lamang upang makarinig nang maayos si Evora ay sa pamamagitan ng hearing aid na medyo may kalakihan ang halaga.

Nang makarating ito sa mga pamangkin at sa awa nila sa kanilang tiyahin, agad silang lumikom ng halaga kasama ang mga anak at apo ni Evora nang lingid sa kaalaman ng biyuda. 

Nitong Linggo, itinaon nila sa simpling birthday party ni Karla, manugang ni Evora, ang pagbibigay ng hearing aid. Ang biyuda na isang mahusay na cook ay walang kaalam-alam at siya pa ang abalang nagluto ng handa.

Abalang nagsisilbi ng pagkain ang biyuda nang tawagin siya ng anak at iabot ang isang supot  na nang buksan ay hearing aid ang laman. Halos hindi na nakapagsalita sa pagkabigla si Evora habang masayang nagpapalakpakan ang mga anak, apo, pamangkin at mga kapatid at ilang bisita.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here